Kumpiyansa si DILG Secretary Jonvic Remulla sa kanyang pahayag na makukuha at maibabalik sa bansa ang wanted na si Rep. Zaldy Co, Umaasa na pagbibigyan ng Interpol ang hiling na Red Notice sa ginanap na
pulong balitaan sa Rizal hotel Park sa Maynila. ERIC OCAPAN
MANILA, Philippines — Wala pang nakikitang pananagutan sa ngayon ang ama ng estudyanteng sangkot sa fatal shooting sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU), ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes.
Sinabi ni Remulla na nakikipagtulungan sa mga awtoridad ang ama ng estudyante habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente na ikinasawi ng dalawang estudyante.
“The father is cooperating,” ani Remulla sa press conference sa AdZU.
Gayunman, sinabi ng kalihim na piskalya pa rin ang magpapasya kung may sapat na batayan upang papanagutin ang ama.
“We will leave it up to the fiscal to determine culpability,” ani Remulla.
Batay sa paunang imbestigasyon, sinabi rin ni Remulla na kumilos nang mag-isa ang estudyanteng sangkot sa pamamaril at wala umanong kasabwat o organisadong grupong tumulong sa pagpaplano ng insidente. Wala rin aniyang indikasyong hinikayat siya ng kanyang pamilya.
Nauna nang sinabi ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno na ang mga baril na nagamit sa insidente ay pag-aari ng ama, isang tauhan ng BOC, at naiwan umano sa sasakyang ginamit upang ihatid ang estudyante sa paaralan.
Ayon kay Nepomuceno, driver ang kasama ng estudyante patungo sa paaralan at naiwan sa sasakyan ang mga baril, dahilan upang magkaroon umano siya ng access sa mga ito.
Inalis na rin sa kanyang puwesto ang ama bilang district commander ng Enforcement and Security Service ng BOC sa Port of Zamboanga habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat.
Dalawang estudyante ang nasawi sa insidente noong Agosto 18, kabilang ang biktima ng pamamaril at ang estudyanteng itinuturong gunman.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga pangyayari bago ang insidente, kabilang kung paano nakuha ng estudyante ang mga baril at kung may posibleng pananagutan ang sinumang nasa hustong gulang. RNT