BULACAN — Nasawi ang isang 17-anyos na dalagita matapos umano siyang makuryente nang aksidenteng mahawakan ang live wire habang tumatawid sa binahang bahagi ng Calumpit, Bulacan nitong Miyerkules, Agosto 19.
Kinilala ang biktima na si Ojo Rhian Joy Martinez, na pauwi na umano bandang ala-1:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Sitio Bagong Barrio, Barangay San Miguel.
Batay sa ulat na natanggap ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), tumatawid si Martinez sa pansamantalang tulay na gawa sa kahoy nang siya ay madulas at aksidenteng mahawakan ang basang electrical wire.
Bahagi umano ng kawad ang nakalutang sa tubig-baha.
Agad siyang isinugod ng mga residente sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa tatlo hanggang apat na talampakan pa ang lalim ng baha sa Barangay San Miguel.
Matagal nang nakararanas ng matinding pagbaha ang Calumpit kasunod ng sunod-sunod na pag-ulan nitong Agosto. Nauna nang isinailalim sa state of calamity ang bayan matapos bahain ang lahat ng 29 barangay. Mary Anne Sapico