Home OPINION ‘CHIZMIS’ SA IMPEACHMENT TRIAL

‘CHIZMIS’ SA IMPEACHMENT TRIAL

1
0

MAAYOS ang nagiging takbo ng Impeachment trial dahil sa epektibong pamamalakad ni Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero. Marami ang pumupuri sa kanyang balanse, mabilis at maayos na hatol sa proceedings.

Nakapagtataka na habang gumagana ang proseso, may lumulutang namang panibagong tsismis tungkol sa diumano’y pangangalap ng boto para sa magiging hatol.

Isang ulat ang nagsasabing “ginagapang” umano ni Chiz sina Jinggoy Estrada, Loren Legarda, at ang mga Villar upang makuha ang 16 boto na kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte.

Napakabigat ng alegasyon. Kaya dapat mabigat din ang ebidensya.

Pero kung walang matibay na patotoo, huwag dapat gawing katotohanan ang isang political chismis.

Nakasasama ang ganitong mga haka-haka dahil binabahiran nito ang isang prosesong nakatuon lamang sa ebidensya at mga argumentong inilalahad sa Impeachment court. Kita naman ito ng bawat Pilipinong tumututok sa Impeachment trial.

Trabaho ng Presiding Officer na tiyaking maayos ang proceedings, marinig ang prosecution at defense, at maipatupad ang mga patakaran ng Impeachment court. Maayos itong naisasagawa ni Escudero.

Ngunit kung bawat pag-uusap sa pagitan ng mga senador ay “kukulayan” na may nangyayaring vote-buying o horse-trading, paano pa magkakaroon ng normal na deliberasyon sa loob ng Senado?

Makasisira ang mga haka-haka o tsismis sa mismong kredibilidad ng magiging hatol.

Kapag acquittal, sasabihin ng isang kampo na may nagmaniobra. Kapag conviction, sasabihin naman ng kabila na matagal nang niluto ang resulta.

Sa parehong pagkakataon, ang talo ay ang Impeachment court.

Kaya sa pagpapatuloy ng paglilitis, dapat maging maingat ang lahat, kasama na ang media, sa pagsusuri sa mga alegasyong walang malinaw na pinagmulan o ebidensya.

Masyado nang maraming ingay sa paligid ng Impeachment trial. Itigil na ang mga intriga na maglilihis lang sa atensyon mula sa testimonya, ebidensya at legal na argumento.

Hayaang gumana ang Impeachment court at hayaan na ang ebidensiya ang magdikta kung saan hahantong ang paglilitis.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here