Home NATIONWIDE PNP, hinigpitan pag-iingat ng service firearms matapos Zambo school shooting

PNP, hinigpitan pag-iingat ng service firearms matapos Zambo school shooting

1
0

MANILA, Philippines — Hihigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapaalala at pagpapatupad ng mga patakaran sa ligtas na pag-iingat ng mga baril ng mga pulis, kasunod ng mga insidente ng school shooting kung saan naiulat na armas ng government personnel ang nagamit.

Iniutos ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga commander na regular na paalalahanan ang kanilang mga tauhan tungkol sa tamang pag-iimbak at paghawak ng kanilang firearms, partikular kapag off duty at nasa bahay.

“We remind all our personnel to exercise utmost responsibility in securing their firearms, especially when they are off duty and at home,” ani Nartatez.

Binigyang-diin niyang hindi dapat iniiwan ang mga baril sa lugar na maaaring maabot ng mga bata o ibang taong walang pahintulot na humawak nito.

Iniutos din ng PNP chief na isama sa unit briefings at formations ang firearm accountability reminders upang maiwasan ang mga insidenteng dulot ng hindi maayos na pagkakatago ng armas.

Kasunod ang direktiba ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School noong Agosto 18, kung saan dalawang estudyante, kabilang ang 14-anyos na itinuturong gunman, ang nasawi.

Batay sa naunang imbestigasyon, ang mga baril na nagamit sa insidente ay pag-aari umano ng ama ng estudyante, isang personnel ng Bureau of Customs.

Nauna ring nagkaroon ng school shooting sa Tacloban City noong Hunyo kung saan tatlong estudyante ang nasawi. Isa sa mga armas na nasangkot sa naturang insidente ay naiulat ding pag-aari ng isang police officer.

“One moment of negligence can result in the loss of life,” ani Nartatez, kasabay ng pagsuporta sa mas mahigpit na pananagutan ng mga gun owner.

Iginiit niyang hindi maaaring ikompromiso ang responsableng pagtatago ng mga baril, lalo na sa mga tahanang may mga menor de edad. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here