Home HOME BANNER STORY Nationwide ‘active attack’ drill sa mga iskul sa Aug 25, iniatas ng...

Nationwide ‘active attack’ drill sa mga iskul sa Aug 25, iniatas ng DepEd

1
0

MANILA, Philippines — Inatasan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng pampubliko at pribadong elementarya at sekondaryang paaralan sa bansa na magsagawa ng active attack safety drill sa Agosto 25 bilang bahagi ng pinaigting na paghahanda laban sa posibleng karahasan sa mga paaralan.

Batay sa memorandum ng DepEd na may petsang Agosto 12, itinakda ang sabayang drill alas-9:00 ng umaga sa Martes, gamit ang kani-kanilang localized contingency plan para sa active attack incidents.

Inaatasan din ang mga paaralan na bumuo, repasuhin o i-update ang kanilang School Contingency Plan for Active Attack Incidents at ibahagi ito sa local government unit, Philippine National Police (PNP) at Parent-Teacher Association (PTA).

May nakahanda na ring School Contingency Plan for Active Attacks, playbook at iba pang reference materials ang DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) para sa mga paaralan.

Kabilang sa mga dapat matukoy sa plano ang classroom security measures gaya ng double-locking mechanism, safe rooms, evacuation routes, family reunification areas at emergency communication procedures.

Kailangang makipag-ugnayan din ang mga paaralan sa PNP, Bureau of Fire Protection, local disaster risk reduction and management offices at iba pang kinauukulang ahensya. Dapat ding magkaroon ng external evaluator mula sa emergency response agency o ibang stakeholder upang suriin ang isinagawang drill.

Binigyang-diin ng DepEd na dapat age-appropriate at trauma-informed ang simulation at unahin ang kaligtasan at psychological well-being ng mga estudyante, guro at non-teaching personnel.

Ang mga paaralang hindi makapagsasagawa ng drill sa Agosto 25 ay kailangang ipaalam ito sa kanilang division DRRM coordinator at magsumite ng alternatibong schedule. Hindi na rin kailangang ulitin ang aktibidad ng mga paaralang nakapagsagawa na ng kaparehong drill bago ang itinakdang petsa, ngunit kinakailangan pa rin ang kaukulang dokumentasyon.

Kasunod ang direktiba ng pinaigting na pagtutok sa school security at emergency preparedness matapos ang mga nagdaang insidente ng karahasan sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga City. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here