Home HOME BANNER STORY Bilang ng mahihirap ng Pinoys sa 2025, nabawasan ng 6.46M

Bilang ng mahihirap ng Pinoys sa 2025, nabawasan ng 6.46M

1
0

MANILA, Philippines — Bumaba sa 9.7% ang poverty incidence sa mga Pilipino noong 2025, katumbas ng humigit-kumulang 11.08 milyong katao na ang kita ay mas mababa sa poverty threshold, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Malaking ibinaba ito mula sa 15.5% o 17.54 milyong Pilipino noong 2023, nangangahulugang nabawasan ng nasa 6.46 milyon ang bilang ng mga Pilipinong nasa ilalim ng poverty line sa loob ng dalawang taon.

Sa antas naman ng pamilya, bumagsak sa 6.4% o 1.90 milyong pamilya ang poverty incidence noong 2025 mula 10.9% o 2.99 milyong pamilya noong 2023. Sinabi ng PSA na ito ang unang pagkakataong bumaba sa single-digit level ang poverty incidence among families.

Ang poverty incidence ay tumutukoy sa bahagi ng populasyon o mga pamilyang hindi sapat ang kita upang matugunan ang minimum na pangunahing pangangailangan sa pagkain at iba pang basic needs.

Ayon sa PSA, kabilang sa mga salik sa pagbaba ng poverty incidence ang mas mabilis na pagtaas ng kita kumpara sa pagtaas ng poverty threshold.

Mula 2023 hanggang 2025, tumaas ng 5.5% ang annual per capita poverty threshold, habang lumago naman ng 22% ang average annual per capita income ng mga pamilya. Mas mataas pa ang income growth ng mga pamilyang nasa una at ikalawang income deciles sa 23.8% at 22.7%, ayon sa PSA.

Sinabi naman ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan na sa unang pagkakataon ay mas mababa na sa isa sa bawat 10 Pilipino ang nabubuhay sa ilalim ng poverty line.

Gayunman, nagbabala si Balisacan na maaaring bumagal ang poverty reduction ngayong 2026 dahil sa mas mahirap na economic environment.

Binigyang-diin niya na kailangang mapanatili ang economic growth, investment, productivity at job creation upang hindi muling mahulog sa kahirapan ang mga pamilyang nakaangat na sa poverty threshold.

Bagama’t naabot na ang single-digit poverty incidence, target pa rin sa Philippine Development Plan na maibaba ito sa 8.8% hanggang 9.0% pagsapit ng 2028. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here