Home NATIONWIDE Bam, Kiko: Pananalig ni Ninoy sa Pilipino dapat panatilihing buhay

Bam, Kiko: Pananalig ni Ninoy sa Pilipino dapat panatilihing buhay

16
0

MANILA, Philippines — Inalala nina Senador Bam Aquino at Francis “Kiko” Pangilinan ang ika-43 taong anibersaryo ng pagpaslang kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Sr., sa tarmac ng dating Manila International Airport (MIA) noong August 21, 1983 sa panahon ng diktaduryang Marcos.

Sa kanilang magkahiwalay na pahayag, inalala nina Bam at Pangilinan ang kabayanihan ng dating senador na Umuwi kahit may banta sa kanyang buhay, ayon sa ilang international press na kasama nya sa eroplano sa pangalang Bonifacio Marcial.

Kuwento ni Bam, bata pa siya nang dumadalaw sila sa Fort Bonifacio dahil nakulong ang dating senador ng walong taon matapos hatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad ng Military Commission No. 2 sa kasong murder, subversion at illegal possession of firearms.

“Kuwento ng mga magulang ko, tuwing dinadalaw raw namin si Tito Ninoy, lagi niyang biro: “Paul at Melanie, iwan niyo na si Bam dito para may kasama naman ako,” ayon kay Bam.

“Bata pa ako noon kaya hindi ko pa lubos na nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng makulong at mapalayo sa pamilya,” giit pa niya.

Pero, paliwanag pa niya,  habang tumatanda ako, mas nauunawaan ko ang mas malalim na kahulugan ng biro niyang iyon. “Pitong taon at pitong buwan siyang nakulong. Malayo sa pamilya at sa mga mahal niya sa buhay. Kung iisipin, matinding lungkot at pag-iisa ang pinagdaanan niya. Pero sa kabila ng lahat, hindi siya nawalan ng pananalig sa Diyos at tiwala sa mga Pilipino.”

Ngunit, naalala din ni Bam ang pag-uwi ng kanyang tiyuhin mula sa Amerika noong 1983 kahit may banta sa kanyang buhay paglapag ng MIA.

“Sa paglipas ng panahon, mas nauunawaan ko rin ang bigat ng desisyong ginawa niya noong 1983. May pagkakataon siyang manatili sa Amerika. Kasama niya ang kanyang pamilya. Ligtas siya. Alam niyang sa pagbabalik sa Pilipinas, maaari siyang muling makulong. Alam niyang maaari siyang mapatay. Walang kasiguraduhan kung tatanggapin pa siya ng taumbayan. Wala ring kasiguraduhan kung may mababago ang kanyang pag-uwi,” ani Bam.

“Pero umuwi pa rin siya.”

Giit pa ng senador na “siguro ito ang pinakamahirap unawain tungkol sa tunay na pagmamahal sa bayan: hindi mo minamahal ang Pilipinas dahil sigurado kang may kapalit. Hindi ka naninindigan dahil alam mong mananalo ka. At hindi ka naglilingkod dahil sigurado kang kikilalanin ka. Ginagawa mo ito dahil naniniwala kang karapat-dapat ipaglaban ang Pilipino, kahit hindi mo alam kung ano ang naghihintay sa iyo.”

“Ito ang mas naiintindihan ko ngayon sa mga salitang, “The Filipino is worth dying for.”

Aniya: “Para sa akin, ang mga salitang ito ay tungkol sa napakalalim na paniniwala ni Tito Ninoy sa halaga ng bawat Pilipino. Na kahit sa panahong tila nawawala ang pag-asa, may dahilan pa ring maniwala sa ating kapwa, tumindig para sa tama, at gawin ang kaya natin para sa bayan.”

“Maraming salamat, Tito Ninoy, sa inspirasyon, tapang, at pagmamahal na inialay mo sa bayan. Hanggang sa huli, hindi ka nawalan ng pananalig sa mga Pilipino. Ipinakita mong gaano man kahirap ang panahon, karapat-dapat pa ring mahalin at ipaglaban ang ating bayan,” ayon kay Bam

Kasabay nito, sinabi naman ni Pangilinan na “para kay Ninoy, mas mabigat ang mawalan ng bayan kaysa mawalan ng buhay”

Kaya nasambit ni Pangilinan ang pariralong “bawat ika-21 ng Agosto, may tanong akong binabalikan: Hanggang saan ba tayo handang lumaban para sa ating bayan?”

“Alam nating lahat ang kwento ni Ninoy. Umuwi siya kahit alam niyang delikado, dahil mas mabigat para sa kanya ang mawalan ng bayan kaysa mawalan ng buhay. Dahil sa sakripisyong iyon, nagkaroon tayo ng landas papunta sa EDSA, sa pagbagsak ng diktadura, at sa demokrasyang tinatamasa natin ngayon,” ayon kay Pangilinan.

Pero hindi lang para sa paglaya mula sa diktadura inalay ni Ninoy ang kanyang buhay, giit ni Pangilinan, kundi inalay rin niya ito para sa pangarap na makita tayong tunay na malaya — malaya sa gutom, sa hirap, sa pang-aalipusta ng mga mas malalaking bansa, at sa pagiging biktima ng laganap na fake news.

“Kaya naman ang paggunita sa kanya ay hindi dapat nalilimitahan sa pag-alala o sa pagbisita sa monumento. Kailangan nating isabuhay ang sakripisyo niya, hindi lang tuwing August 21, kundi araw-araw. Dahil ang labang hinarap ni Ninoy noon ay laganap pa rin ngayon: mga ganid sa kapangyarihan at pang-aabuso sa karapatang pantao,” ayon kay Pangilinan.

Dagdag pa ng senador: “Kaya naman ngayong araw, hindi sapat ang pag-alala lamang. Kailangang kumilos. Sama-samang tumindig ang malawak na hanay ng mga Pilipino. Papanagutin ang mga mapang-abuso. At higit sa lahat, ilagay natin ang kapakanan ng bawat Pilipino higit sa anumang personal o pulitikal na interes.”

“Naniniwala pa rin ako sa pangarap ni Ninoy — isang Pilipinas na tunay na malaya at masagana. Hindi pa tapos ang laban, pero patuloy tayong lalaban. Iyan ang pinakamagandang parangal na maisusukli natin sa kanya,” ayon kay Pangilinan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here