MANILA, Philippines — Nagkaroon na ng consensus ang mga senator-judge na baguhin ang iskedyul ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang mapahaba ang oras ng pagdinig at mapabilis ang proceedings, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian nitong Biyernes.
“Although may consensus na, but within the week gagawin ‘yan,” sinabi ni Gatchalian sa isang panayam.
Isa sa mga pinag-aaralan ang pagbabalik ng impeachment trial sa hapon upang hindi ito malimitahan ng regular na plenary session ng Senado na nagsisimula alas-3:00 ng hapon.
Nauna nang iminungkahi ni Sen. Juan Miguel Zubiri na idaos sa umaga ang legislative session at simulan ang impeachment trial bandang alas-3:00 ng hapon upang magkaroon ng mas mahabang oras ang prosekusyon at depensa sa presentasyon ng kanilang mga argumento at testigo.
Ayon kay Gatchalian, umaabot sa anim hanggang pitong oras ang impeachment proceedings kaya nagiging limitado ang oras kapag ginagawa ito sa umaga bago ang regular session.
Target ng Senado na matapos ang paglilitis bago matapos ang Disyembre, bagama’t inamin ni Gatchalian na maaari itong umabot sa susunod na taon kung magpapatuloy ang kasalukuyang takbo at magkakaroon pa ng mga kanselasyon.
“So kaya nga mag-aadjust na lang ang Senado sa oras para ‘yung target na one witness, one day ay magawa natin,” aniya.
Kinilala rin ni Gatchalian ang posibilidad ng burnout sa mga senador at kanilang staff dahil sa mas mahabang oras ng trabaho, ngunit sinabi niyang nais ding matapos agad ang impeachment trial upang makabalik ang Senado sa normal nitong legislative functions.
Naantala nitong mga nakaraang araw ang paglilitis dahil sa suspensyon ng proceedings bunsod ng masamang panahon.
Hindi pa opisyal na inaanunsyo ang eksaktong bagong oras ng impeachment trial sa oras ng pahayag ni Gatchalian. RNT