Home NATIONWIDE P27.4-B medical assistance sa nangangailangan, pinondohan ng DBM

P27.4-B medical assistance sa nangangailangan, pinondohan ng DBM

1
0

MANILA, Philippines — Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P27.410 bilyon para pondohan ang medical assistance sa mga indigent at financially incapacitated na pasyente sa buong bansa.

Ayon sa DBM nitong Biyernes, Agosto 21, gagamitin ang pondo sa pagpapatuloy ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program ng Department of Health (DOH).

Sa ilalim ng programa, maaaring mabigyan ng tulong ang mga kwalipikadong pasyenteng hindi kayang sagutin nang buo ang gastusin sa pagpapaospital, gamot, emergency treatment, professional fees at iba pang serbisyong medikal.

Pinakamalaking bahagi ng pondo o P19.145 bilyon ang mapupunta sa Centers for Health Development (CHDs), na naghahatid ng medical assistance sa pamamagitan ng mga katuwang na ospital ng lokal na pamahalaan, pribadong institusyon at iba pang health facilities sa bansa.

Samantala, P4.353 bilyon ang inilaan para sa mga DOH hospital sa Metro Manila at mga rehiyon habang P2.910 bilyon naman ang mapupunta sa government-owned and controlled corporation specialty hospitals kabilang ang Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center at Philippine Heart Center.

Makakatanggap din ang University of the Philippines-Philippine General Hospital ng P950 milyon habang P52 milyon ang nakalaan para sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers.

Sinabi ni Budget Secretary Kim Robert C. De Leon na layunin ng pondo na direktang mabawasan ang gastusing medikal na pasan ng mga pasyente at kanilang pamilya.

“The P27.4 billion we are releasing is meant to translate into real help at the hospital level,” ani De Leon.

Ang P27.410 bilyon ay kukunin sa regular budget ng DOH sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.

Suportado rin ng pondo ang pagpapatupad ng eMAIFIP sa eGovPH superapp, na layong gawing mas madali at accessible sa publiko ang paghingi ng medical assistance sa gobyerno. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here