Home NATIONWIDE AdZU suspendido klase ‘gang Aug. 28; balik-iskul dadahan-dahanin

AdZU suspendido klase ‘gang Aug. 28; balik-iskul dadahan-dahanin

1
0

ZAMBOANGA CITY — Mananatiling suspendido ang klase sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) mula Agosto 24 hanggang 28 kasunod ng pamamaril sa campus na ikinasawi ng dalawang estudyante noong Agosto 18.

Ayon kay AdZU President Fr. Guillrey Anthony “Ernald” Andal, SJ, magkakaroon muna ng gradual return sa klase upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante, pamilya, guro at personnel na makabangon mula sa insidente.

Mula Setyembre 1 hanggang 4, sasailalim muna ang mga estudyante sa non-academic activities sa pamamagitan ng alternative learning modality na nakatuon sa emotional well-being, muling pakikipag-ugnayan at paghahanda sa pagbabalik sa paaralan.

“We understand the desire for students to return immediately. A familiar routine can help in the healing process, and we do not intend to delay their return longer than necessary,” sinabi ni Andal sa isang recorded video message, ayon sa ABS-CBN News.

Gayunman, sinabi niyang hindi lamang kawalan ng agarang banta ang sukatan ng kaligtasan dahil marami pa sa school community ang pinoproseso ang trauma dulot ng insidente.

Patuloy din ang psychological first aid ng unibersidad. Noong Agosto 20, iniulat na nabigyan ng suporta ang 92 estudyante, 16 magulang at 105 faculty at staff.

Kasabay nito, sinabi ni Andal na rerepasuhin ng AdZU ang mga umiiral nitong security measures at aalamin kung ano pa ang kailangang baguhin matapos mabigong mapigilan ng mga nakalatag na safeguard ang insidente.

Binigyang-diin din niya na mahalaga ang physical security ngunit kailangan ding palakasin ang ugnayan ng mga kabataan sa kanilang pamilya, guro, counselor at iba pang mapagkakatiwalaang nakatatanda.

Nagbabala rin si Andal laban sa agarang pagsisi sa social media o violent online games bilang simpleng paliwanag sa pamamaril, bagama’t kinilala niyang may online content na maaaring makapinsala sa mga kabataan.

Dalawang estudyante, kabilang ang umano’y gunman, ang nasawi sa pamamaril sa AdZU noong Agosto 18. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente, kabilang ang motibo at kung paano nakapasok sa campus ang mga armas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here