Home NATIONWIDE Kalos-travel tax target ng Senado bago 2027

Kalos-travel tax target ng Senado bago 2027

1
0

MANILA, Philippines — Target ng Senado na maipasa ngayong taon ang panukalang tuluyang mag-aalis sa travel tax na binabayaran ng mga pasaherong umaalis ng Pilipinas, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Sa forum ng Management Association of the Philippines (MAP), sinabi ni Gatchalian na kabilang ang travel tax abolition sa mga prayoridad na tax reform measures ng Senado at inaasahang matatalakay ito sa lalong madaling panahon.

Tinatayang nasa P6 bilyon ang mawawalang kita ng gobyerno kapag inalis ang buwis, ngunit sinabi ni Gatchalian na maaari itong mabawi sa paglago ng turismo.

Nauna nang inaprubahan ng House of Representatives noong Marso 16 ang House Bill No. 8464 o panukalang Travel Tax Abolition Act of 2026, sa botong 257-1-1. Ipinadala ito sa Senado noong Marso 17.

May sarili ring Senate Bill No. 1896 si Gatchalian na naglalayong alisin ang travel tax. Batay sa opisyal na Senate Legislative Information System, inihain ito noong Pebrero 23 at naitala bilang pending in committee noong Pebrero 24.

Sa kasalukuyan, P1,620 ang full travel tax para sa economy-class passenger at P2,700 naman para sa first-class passenger, ayon sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).

Sa ilalim ng umiiral na sistema, 50% ng travel tax collections ang napupunta sa TIEZA, 40% sa Commission on Higher Education (CHED) at 10% sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Sakaling tuluyang maisabatas ang bersiyon ng Kamara, popondohan na sa pamamagitan ng taunang General Appropriations Act ang mga programang kasalukuyang umaasa sa bahagi ng travel tax collections.

Bukod sa pag-alis ng travel tax, sinabi ni Gatchalian na kabilang din sa prayoridad ng Senado ang general tax amnesty at GINHAWA bill, na naglalayong itaas sa P400,000 ang taunang taxable income threshold para sa income tax exemption.

Sinabi rin niyang pinag-aaralan ang mga posibleng pagbabago sa iba pang buwis, kabilang ang sin taxes sa alak, sigarilyo at vape, upang mapunan ang posibleng mabawas sa koleksiyon ng gobyerno dahil sa mga tax relief measure. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here