MANILA, Philippines — Umabot na sa humigit-kumulang P1 bilyon ang tulong na naipamahagi ng gobyerno sa mga komunidad na naapektuhan ng magkakasunod na bagyo at habagat, habang mahigit 52,000 katao ang nananatili sa evacuation centers, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sinabi ni OCD public information officer Diego Mariano nitong Biyernes, Agosto 21, na 15,523 pamilya o 52,543 indibidwal ang kasalukuyang nanunuluyan sa 701 evacuation centers.
Bahagi sila ng 6,620,335 katao o 1,905,622 pamilya na naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis, Maymay at Neneng at ng patuloy na southwest monsoon o habagat nitong mga nakaraang linggo.
Naitala ang mga apektadong residente sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.
Samantala, nananatiling 29 ang iniulat na nasawi na sumasailalim pa sa validation, habang 19 ang nasugatan at tatlo ang nawawala, ayon sa OCD.
Umabot naman sa 2,110 bahay ang napinsala, kabilang ang 1,884 na partially damaged at 226 na totally damaged.
Tinatayang nasa P4.8 bilyon na rin ang pinsala sa imprastraktura, habang nasa P1.7 bilyon ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Patuloy ang relief at response operations ng pamahalaan sa mga lugar na naapektuhan ng masamang panahon. RNT