Home METRO 17 timbog sa 2 anti-scam ops sa P’que; 5 nagpanggap pang FBI...

17 timbog sa 2 anti-scam ops sa P’que; 5 nagpanggap pang FBI agents

2
0

MANILA, Philippines — Labimpitong indibidwal ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa dalawang magkahiwalay ngunit sabayang operasyon laban sa umano’y online scam activities sa Parañaque City.

Sa unang operasyon ng NBI-Special Action Unit (NBI-SAU) sa Multinational Village, naaresto ang tatlong Pilipino at dalawang dayuhan na umano’y nagpapanggap na mga ahente ng US Federal Bureau of Investigation (FBI).

Ayon sa NBI, gumagamit umano ang grupo ng mga inihandang script, pekeng dokumento, binagong boses at manipulated video backgrounds upang magmukhang lehitimong FBI agents habang nakikipag-usap sa kanilang mga target.

Nakumpiska sa operasyon ang FBI-marked badges, jacket at damit, mga pekeng dokumento, laptop, cellphone at iba pang electronic equipment.

Nakita rin umano ng mga imbestigador ang portable green screen, livestreaming software at isang artificial intelligence tool na sinasabing kayang manipulahin ang accent ng gumagamit.

Nahaharap ang limang suspek sa mga kasong computer-related fraud at usurpation of authority.

Sa hiwalay na operasyon sa parehong kalye, 11 Pilipino at isang Malaysian naman ang inaresto dahil sa umano’y online fraud operation.

Ayon sa imbestigasyon, gumagamit umano ang grupo ng mga pekeng TikTok account, fabricated identities at profile photos upang makuha ang tiwala at personal na impormasyon ng kanilang mga target.

Kabilang umano sa kinokolektang impormasyon ang pangalan, petsa ng kapanganakan, address, identification details at mobile numbers na ipinadadala sa ibang kasamahan sa pamamagitan ng Telegram.

Sinasabing ginagamit ang naturang impormasyon sa love scams, financial fraud, intimidation at extortion.

Nahaharap naman ang 12 suspek sa mga kasong computer-related forgery at unauthorized processing of personal information.

Patuloy ang imbestigasyon ng NBI-SAU upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot at ang lawak ng umano’y scam operations. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here