MANILA, Philippines – Kapwa nagdeklara ng state of calamity ang Zambales at Bataan dahil sa malawakang pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan na dala ng Habagat.
Kasabay nito ay nakapagtala rin ang dalawang probinsya ng pinsala sa imprastruktura, agrikultura at mga tirahan.
Nitong Biyernes, Agosto 21 ay inaprubahan ng Zambales provincial board ang deklarasyon ng state of calamity kasunod ng rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa huling assessment, may 5,770 pamilya o 17,317 indibidwal ang apektado sa Zambales.
Nasira naman ang Sta. Fe Bridge sa San Marcelino dahilan para ma-isolate ang mga residente ng isang barangay.
Tinatayang nasa P569.27 milyon naman ang pinsala sa imprastruktura sa Zambales at kailangan ng P1.28 bilyon para sa recovery, rehabilitation at reconstruction needs.
Umabot naman sa P23.8 milyon ang agricultural losses, apektado ang 1,498 magsasaka at 892.3 ektarya ng sakahan.
Pinakamataas ang naitala sa pagkasira ng mga bigas sa P11.2 milyon, habang P8.66 milyon naman sa high-value crops.
Nasa P1.1 milyon ang naitalang livestock losses.
Samantala, inaprbuahan din ng provincial board ang deklarasyon ng state of calamity sa Bataan sa rekomendasyon din ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.
May P56.53 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura at pangisdaan, apektado ang 2,490 magsasaka at mangingisda, at 1,752 ektarya ng sakahan.
Umabot naman sa P4.29 milyon ang livestock losses sa Bataan.
May nasira ring 225 tirahan sa Bataan kabilang ang 14 na tuluyang nasira. Ang infrastructure damage ay umakyat sa P542.7 milyon.
Hanggang noong Miyerkules ay nasa 793,330 indibidwal o 270,233 pamilya sa Bataan ang apektado ng kalamidad.
Pinakanapuruhan ang low-lying at flood-prone communities sa Mariveles, Hermosa at Dinalupihan. RNT/JGC