MANILA, Philippines – Plano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na gumamit ng mas modernong teknolohiya at mas matibay na pamamaraan para matugunan ang paulit-ulit na erosion, landslide at rockslide sa Cordillera.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, hindi na sapat ang dating paraan ng pagkukumpuni dahil paulit-ulit lamang nasisira ang imprastraktura tuwing malakas ang ulan.
“Our old practice is no longer applicable at this time … We will be using new technologies, new methods that are sturdier and will last longer,” aniya.
Sinabi ni Dizon na bagama’t mas mahal ang bagong teknolohiya, mas makatitipid ang gobyerno sa pangmatagalan dahil hindi na kailangang paulit-ulit na kumpunihin ang mga nasirang imprastraktura. May inilaan na rin umanong pondo para rito sa 2027 proposed budget.
Umabot na sa P3 bilyon ang pinsala sa imprastraktura sa Cordillera. Gagamit ang DPWH ng quick response funds (QRF) para sa mga agarang pagkukumpuni.
Sa Benguet-Vizcaya Road sa La Trinidad, Benguet, planong magtayo ng 75-meter double-crib wall na may mechanical stability system para protektahan ang slope. Tinatayang P75 milyon ang pondo nito at aabutin ng 11 buwan ang proyekto.
Sa Daclan, Tublay, sinabi naman ni Dizon na makikipagtulungan ang DPWH sa mga Japanese partner para palakasin ang nasirang metal curtain wall. Maglalagay rin ng shotcrete slope protection sa itaas ng bundok upang mapigilan ang pagguho ng lupa at bato.
Ang shotcrete ay konkretong ini-spray sa mataas na pressure sa ibabaw ng lupa o bato upang maprotektahan ito laban sa erosion at makatulong na maiwasan ang landslide at rockfall.
Samantala, tutugunan din ng DPWH ang mahigit 20 taong pagbaha sa strawberry farm. Kabilang sa mga plano ang dredging sa Bolo Creek at Balili River, paglalagay ng floodgate para maiwasan ang backflow, at pagtatayo ng malaking drainage canal at mga water catchment area bilang pangmatagalang solusyon. RNT/MDS