CAGAYAN, Philippines – Pinayuhan ng Philippine Coast Guard (PCG) District North Eastern Luzon ang mga marino, mangingisda at publiko na mag-ingat sa nakatakdang paglulunsad ng Long March-5 rocket ng China sa Lunes, Agosto 24, 2026.
Isasagawa ang launch sa 8:00 a.m. hanggang 9:11 a.m. Philippine Standard Time mula sa Wenchang Space Launch Site sa Hainan, China.
Ayon sa Philippine Space Agency (PhilSA), maaaring bumagsak ang ilang bahagi ng rocket sa dalawang itinalagang drop zones na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
–Drop Zone 1: humigit-kumulang 67 nautical miles mula Burgos, Ilocos Norte; 89 nautical miles mula Vigan, Ilocos Sur; at 97 nautical miles mula Dalupiri Island, Cagayan.
–Drop Zone 2: humigit-kumulang 148 nautical miles mula Santa Ana, Cagayan; at 169 nautical miles mula Babuyan Island.
Bagama’t mababa ang posibilidad ng insidente o pinsala mula sa rocket debris, hinikayat ng PCG ang lahat ng sasakyang-dagat na iwasan ang mga drop zone habang isinasagawa ang rocket launch at sundin ang mga safety measure.
Patuloy namang imo-monitor ng PCG ang sitwasyon at makikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan at seguridad sa karagatan. RNT/MDS