MANILA, Philippines – Pinalalakas ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa pagnanakaw at ilegal na pagkuha ng kuryente, katuwang ang Department of Justice (DOJ) at Manila Electric Co. (Meralco).
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., makikipag-ugnayan ang PNP sa DOJ upang makabuo ng matitibay na kaso laban sa mga nagnanakaw ng kuryente o nanggagalaw at naninira ng mga electric meter at transmission lines.
Layunin nitong matiyak na ang mga sangkot ay mapapanagot, makakasuhan at mapaparusahan upang maiwasan ang patuloy na power theft.
“The certainty of arrest and punishment is also a strong crime prevention measure because it sends a strong message that the rule of law always prevails. This is what we in the PNP are also focusing on matters pertaining to theft and pilferage of electricity,” aniya.
Sa isang Senate hearing noong nakaraang linggo, inamin ng PNP na mas mababa sa 5% ng mga naarestong sangkot sa pagnanakaw at panghihimasok sa mga pasilidad ng kuryente mula 2022 ang nauuwi sa conviction.
Batay sa PNP data, may 548 kaso ng paglabag sa Anti-Electricity Transmission Lines Materials Filterage Act of 1994 mula 2022. Sa mga ito, 469 ang naaresto, ngunit 21 lamang ang nahatulan.
Lumagda rin ang PNP at Meralco sa isang kasunduan upang palakasin ang pagbabahagi ng impormasyon at magkasanib na operasyon laban sa power theft.
Ayon kay Nartatez, bahagi ng mandato ng PNP ang proteksyon sa power distribution system at iba pang kritikal na imprastraktura, at sisiguraduhing ipatutupad ito hanggang sa mga lungsod at munisipalidad. RNT/MDS