MANILA, Philippines – Ang Typhoon Saudel ay nananatiling nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Linggo ng umaga habang kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa Philippine Sea, silangan ng extreme northern Luzon, ayon sa PAGASA.
Bandang 11 a.m., namataan ang sentro ng Saudel sa layong 2,085 kilometro silangan ng extreme northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na 165 km/h malapit sa sentro at bugso na hanggang 205 km/h.
Kumikilos ang bagyo pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h.
Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok sa PAR ang bagyo sa Lunes, Agosto 24, maaaring umaga o hapon.
Pagpasok nito sa PAR, maaari itong tawaging “Obet” o “Pilandok,” depende sa kung alin ang unang papasok sa PAR—si Saudel o ang isang tropical depression na kasalukuyang mino-monitor.
Posible ring maging Super Typhoon ang Saudel bago ito pumasok sa PAR. Bagama’t inaasahang unti-unti itong hihina matapos maabot ang pinakamalakas nitong intensity, hindi pa rin inaalis ng PAGASA ang posibilidad na pumasok ito sa PAR bilang isang super typhoon.
“This tropical cyclone is forecast to reach Super Typhoon category by tomorrow (24 August) prior to its entry to PAR. After reaching its peak intensity, a gradual weakening is expected but the possibility of SAUDEL entering PAR as a Super Typhoon is not ruled out,” ayon sa PAGASA.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na mas maliit ang posibilidad na direktang makaapekto ang Saudel sa panahon at kondisyon ng karagatan sa bansa sa susunod na tatlong araw.
Inaasahang lalabas ito ng PAR pagsapit ng Martes, Agosto 25. RNT/MDS