TOKYO, Japan – Isang magnitude 5.9 na lindol ang tumama sa eastern Japan madaling-araw ng Linggo, na nagdulot ng pagkaantala sa transportasyon at ilang nasugatan sa Tokyo area.
Naganap ang lindol bandang 2 a.m., na may epicenter sa southern Ibaraki Prefecture, 68 kilometro ang lalim. Ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), walang tsunami warning na inilabas.
Umabot sa lower 5 ang intensity ng lindol sa Japanese seismic intensity scale na hanggang 7 sa ilang bahagi ng Ibaraki at central Tokyo. Naramdaman din ito sa malawak na bahagi ng northeastern at central Japan.
Dahil sa lindol, naantala ang pagsisimula ng ilang train services.
Ilang tao rin ang nasugatan, kabilang ang isang binata at isang babaeng nasa edad 70 sa Saitama, gayundin ang tatlong tao sa Kawasaki, timog ng Tokyo.
Sa Koto Ward, Tokyo, naputol ang isang water main at iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kaugnayan ito sa lindol.
Samantala, walang nakitang abnormalidad sa Tokai No. 2 nuclear power plant sa Ibaraki at sa Fukushima Daiichi at Fukushima Daini nuclear plants sa northeastern Japan.
Sinabi ni Prime Minister Sanae Takaichi na inatasan niya ang mga opisyal na alamin ang lawak ng pinsala at agad na magbigay ng impormasyon sa publiko.
Naglabas din ang JMA ng paalala na manatiling alerto sa posibilidad ng panibagong lindol na maaaring umabot sa lower 5 intensity sa susunod na isang linggo, lalo na sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.
Naglabas ang ahensya ng emergency earthquake alert nang tumama ang lindol. RNT/MDS