NANANAWAGAN ngayon ng mabilisang aksyon ang mga accredited primary care clinics sa bansa matapos balaan ang pamahalaan na ang patuloy na pagkaantala ng reimbursement mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay naglalagay sa kanila sa bingit ng pagsasara. Dahil sa napakalimitadong operational funds, ang hindi pagbabayad sa oras ng pondo sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ay direktang nagpaparalisa sa kanilang kakayahang magpatuloy ng serbisyo.
Ang YAKAP na isinulong ng dating PhilHealth President at kasalukuyang DOH Secretary na si Dr. Edwin Mercado, at patuloy na pinapalawak ngayon ni PhilHealth PCEO Dr. Beverly Lorraine Ho ay nakapagtala na ng mahigit 33 milyong Pilipinong na-enroll. Layunin nitong magbigay ng libreng konsultasyon, screening, libreng gamot, at maagap na gamutan upang maiwasan ang malubhang karamdaman.
Peligro sa Operasyon at Limitadong Kapital
Subalit ayon sa mga tagapamahala ng mga YAKAP facility, gaano man kaganda ang layunin ng Universal Health Care (UHC), hindi na nila kayang kayanin ang matagalang pag-aabono.
Mababang Pondo: Karamihan sa mga klinika ay maliliit na pasilidad na walang malaking kapital.
Buwanang Gastusin: Ang kanilang pondo ay kinakailangang mabilis na umiikot bawat buwan upang makabili ng diagnostic at medical supplies, makapagpasahod ng mga doktor, nars, at pharmacists, at makabayad ng renta at kuryente.
Banta sa Serbisyo: Kapag hindi pumasok ang bayad ng PhilHealth, nawawalan sila ng pondo at napipilitang magbawas ng tauhan o tuluyang magsara. Kaya naman binigyang-diin na hindi rin dapat sisihin ang mga YAKAP facility kung hindi na muna sila makapagbigay ng libreng gamot at laboratory tests.
Panukalang Solusyon: Advance Working Fund
Dahil dito, inihahain ang mungkahi na pag-aralan ng PhilHealth ang pagbibigay ng advance working fund mechanism o paunang operational support. Sa pamamagitan nito, maglalabas ang PhilHealth ng buwanang pondo batay sa kinakailangang gastusin ng kwalipikadong pasilidad at iuuri na lamang ang liquidation batay sa aktuwal na serbisyong naitala.
Binigyang-diin ng mga sektor sa kalusugan na kung hindi agad maaayos ang cash flow ng mga pasilidad, ang pinakamalaking apektado at mawawalan ng direktang pampublikong serbisyo ay ang mga ordinaryong mamamayan.






