Home OPINION BAKIT HINDI KAYO MAGHARAKIRI?

BAKIT HINDI KAYO MAGHARAKIRI?

1
0

SA kasagsagan ng malawak na pagbaha sa mga lungsod at kanayunan kamakailan, binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na dapat daw nating tularan ang mga batang Hapon na nagtatago ng kanilang basura sa bulsa hanggang sa makauwi sila.

Aniya, nagiging epektibo ang kalinisan sa Japan dahil sinusuportahan ito ng isang mahusay na sistema ng pagtatapon ng basura.

Habang sinusuri ang mga baradong daluyan ng tubig sa Metro Manila, binigyang-diin din niya na hindi makatutulong ang pagpapataw ng multa kung mabibigo ang pamahalaan na maglaan ng maayos na mga pasilidad para sa pagtatapon ng basura.

Sa totoo lang, marami na sa ating mga kababayan ang sumusunod sa paghihiwalay ng mga nabubulok at hindi nabubulok na basura. Marami na ring disiplinadong sambahayan, ngunit nahaharap sa bulok na sistema ng pangongolekta ng mga basura kung saan ang logistic ng mga lungsod o munisipyo ay kadalasang palpak.

Wala sa oras minsan dumarating ang mga trak na naghahakot ng basura kaya ang nangyayari, natatambak sa gilid ng mga kalsada.

Kapag minalas-malas, kakalkalin ng mga hayop ang tambak na basura na nakatabi sa kalsada. At kapag minalas uli, nariyan din ang mga nangangalakal na naghahanap ng mga bagay na mapagkakaperahan mula sa basura.

Kapag hindi dumating ang mga naghahakot at biglang bumuhos ang malakas na ulan, tiyak na aanurin ang mga ito. Mapupunta sa mga imburnal na magreresulta ng pagbara at pagbaha.

At sa usapin naman ng pagbaha, sino ba ang sanhi ng paghihirap na ito? Alam ng mga Pilipino ang kanilang mga pangalan at sino-sino ang may makakapal na mukha.

Sila ‘yung mga pambansa at lokal na politiko na nagnakaw ng malaking bahagi ng pondo para sa baha. Namigay sila ng mga tulong para sa kanilang pampulitikang ambisyon noong mga nakaraang halalan. Ngayon, namimigay na sila ng relief goods sa naperhuwisyo ng baha bilang kanila raw ayuda.

Sinamantala tayong pagnakawan ng mga nasa gobyerno at ngayo’y tayo pa ang may utang na loob sa mga animal!

“Mahiya naman kayo!” ang saway ni Marcos sa mga “kasabwat” sa Kongreso noong kanyang State of the Nation Address. Tumayo, naghiyawan at nagpalakpakan sila upang kunwari’y wala silang kasalanan sa kalunos-lunos na sinasapit ng taumbayan.

Tinuturuan ngayon tayo na gayahin ang mga Hapon sa pagiging masinop sa basura.

Sa Japan, kilala ang mga opisyal ng gobyerno na nagsasagawa ng Harikiri, isang tradisyonal na anyo ng suicide, upang mapanatili ang kanilang karangalan at makaiwas sa kahiya-hiyang pagbabayad-sala dahil sa kanilang pagkabigo at krimen.

Gustong-gusto na nating magkandamatay ang mga kriminal at mandarambong sa gobyerno na nagtatago, hindi ng basura, kundi ng pera ng bayan sa kanilang mga bulsa.

Bakit hindi sila MAGHARAKIRI?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here