Home NATIONWIDE DA pinaigting pagtugis sa pekeng farm inputs sa buong bansa

DA pinaigting pagtugis sa pekeng farm inputs sa buong bansa

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na pinaigting ng ahensya ang kampanya nito laban sa mga peke, hindi rehistrado, may halo, at ilegal na ginawang agricultural inputs, matapos utusan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) na higpitan ang pagbabantay sa merkado at pagpapatupad ng mga regulasyon.

Ito’ y matapos salakayin kamakailan ng isang team mula sa FPA at Police Provincial Office, kasama ang Talavera at Rizal Police, ang isang pasilidad kung saan natagpuan ng mga awtoridad ang daan-daang sako ng fertilizer products na umano’y iniimbak o ginagawa nang walang kaukulang rehistro.

Ayon da DA binibigyang-diin sa direktiba ang pagsisikap ng pamahalaan na mapigilan ang pagpasok sa merkado ng mga kaduda-dudang farm inputs, maprotektahan ang mga magsasaka laban sa posibleng malaking pagkalugi, at matiyak na hindi dehado ang mga lehitimong manufacturer at dealer dahil sa mga operator na umiiwas sa mga kinakailangang regulasyon.

“Ang pataba ay isang puhunan para sa ating mga magsasaka. Kapag peke o substandard ang produktong ibinebenta sa kanila, hindi lamang pera nila ang nawawala. Nakasalalay dito ang kanilang ani at kabuhayan,” ani Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.

Inatasan ng kalihim ang FPA na palawakin ang pagbabantay sa merkado, kabilang ang mga online marketplace at pisikal na tindahan, habang tinutugis ang mga umano’y sangkot sa paggawa o pamamahagi ng ilegal na agricultural inputs.

“Poprotektahan natin ang ating mga magsasaka at mga lehitimong negosyo. Inatasan natin ang FPA na paigtingin ang market surveillance at pagpapatupad ng batas laban sa mga peke, hindi rehistrado, adulterated, at ilegal na ginawang agricultural inputs,” aniya.

Kaugnay nito sinabi naman ni FPA Executive Director Glenn DC. Estrada na magpapatuloy ang ahensiya sa pagtugis sa mga produktong nagbabanta sa productivity ng mga sakahan at sa mga lehitimong negosyo.

“Seryoso kami sa aming kampanya laban sa paglaganap ng mga adulterated at hindi rehistradong produkto na hindi lamang nakapipinsala sa mga lehitimong negosyo kundi pati na rin sa ating mga magsasaka at sa pangkalahatang productivity ng agrikultura,” ani Estrada.

Nagsimula ang kaso sa isang entrapment operation noong Hulyo 15 na isinagawa ng Philippine National Police-Talavera Municipal Police Station, sa tulong teknikal ng FPA Regional Field Unit III, kasunod ng reklamo ng ROVA Manufacturing kaugnay ng umano’y pagbebenta ng mga pekeng fertilizer products.

Ang operasyon ay humantong sa pagkatuklas ng mga awtoridad sa isang pinaghihinalaang hindi rehistradong bodega at pasilidad sa paggawa ng fertilizer sa Barangay Sta. Monica, Rizal, kung saan nakakita at nag-inventory sila ng karagdagang fertilizer products.

Nakapagtala ang mga awtoridad ng 260 sako sa operasyon sa Talavera at 518 sako naman sa pasilidad sa Sta. Monica, kaya umabot sa hindi bababa sa 778 sako ang kabuuang nakumpiska o naitala sa dalawang lugar, na may kabuuang halaga na P748,150.00. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here