MANILA, Philippines – Lumilikha na ng panukala ang Kamara na magpapataw ng total social media at online gaming platform ban sa mga bata edad 13 at pababa, habang magkakaroon naman ng regulasyon sa paggamit ng social media sa mga kabataan edad 14 hanggang 17 anyos.
Ang pahayag na ito ni Pasig Representative. Roman Romulo, House Committee on Basic Education and Culture chair, ay kasunod ng pamamaril sa paaralan sa Zamboanga City sangkot ang estudyante.
“Kapag under 13 ka meron tayong ban sa social media and online gaming platforms. Kapag below 18 but over 13 ang sinasabi natin ireregulate natin. May mga feature na kailangan natin i-ban,” ani Romulo.
Ani Romulo, ang social media platforms at online gaming platforms ay dapat na may opisina sa Pilipinas bago payagang ma-access ang Filipino customers.
“Lahat ng social media platforms, lahat ng online gaming platforms na gustong mag-provide ng platform sa Pilipinas, kailangan magkaroon na kayo ng Philippine presence. Kung wala po kayong Philippine presence, i-bo-block kayo ng DICT. Kailangan nasa jurisdiction namin kayo,” sinabi ni Romulo.
Plano rin ng Kongreso na magtayo ng classification board para sa online gaming platforms na magmomonitor sa online games para sa mga batang manlalaro.
Planong matapos ng Committee on Welfare of Children ang pagdinig sa ikalawang linggo ng Setyembre.
“Makikita atin ‘yung kahalagahan, ‘yung importansya ng kooperasyon ng ating mga magulang. Itong mga panukalang batas hindi magiging successful kung hindi rin tayo makikipagcooperate dito sa batas, para naman to sa best interest ng mga kabataan,” ayon pa kay Romulo. RNT/JGC