MANILA, Philippines – SINABI ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2) na kailangan ng kahit isa man lang na guidance counselor associate para sa kada 500 estudyante para tumingin sa kapakanan ng mga estudyante.
Sa isang panayam, tinukoy ni EDCOM2 Executive Director Dr. Karol Mark Yee ang rekumendasyon ng komisyon sa gitna ng tumaas na hinaing ukol sa kapakanan ng mga estudyante kasunod ng school shooting incident sa Zamboanga City noong nakaraang linggo.
“There are 47,000 schools nationwide, so we would need at least one guidance counselor associate for each school, meaning we still need funding for 37,000 more guidance counselor associates. Ideally, however, one guidance counselor associate is needed for every 500 students,” ani Yee.
Base sa opisyal na data, nakapagtala ang Department of Education ng 26 na milyong enrollees para sa School Year 2026-2027.
Ayon kay Yee, “schools should have early warning systems to monitor students’ well-being and provide timely support, noting that bullying is among the causes of school violence.”
“We need to make sure that such violence or incidents are prevented before they even happen in our schools,” aniya pa rin.
Batay sa inisyal na impormasyon, nakapasok ang gunman sa loob ng Ateneo de Zamboanga University dala-dala ang isang high-powered na baril at isang .45 pistol.
Ang pamamaril ay nagresulta ng pagkasawi ng dalawang estudyante kabilang na ang namaril.
Natuklasan sa pag-aaral ng EDCOM2, ang Pilipinas ay nananatiling “bullying capital of the world,” na may halos dalawa sa tatlong Grade 5 students ang napaulat na nakaranas ng bullying isang beses sa isang buwan.
Ang panawagan para sa mas malakas na support systems para sa mga estudyante ay nakapukaw sa atensyon sa mga lider ng Simbahang Katoliko.
Sa ulat, kasunod ng nakamamatay na pamamaril sa paaralan sa Ateneo de Zamboanga, nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa publiko na gumawa ng mga ligtas na lugar para sa mga tahimik na pinagdaraanan ng mga kabataan.
Sa kanyang mensahe nitong Biyernes, Agosto 21, nakiisa si Cardinal Advincula sa mga pamilya at biktima ng pamamaril sa paaralan sa Zamboanga City noong Agosto 18 na ikinasawi ng dalawang estudyante.
Binigyang-diin ni Cardinal Advincula na ang mga karahasan sa paaralan ay hindi lang nasasaktan nang pisikal ang mga indibidwal, kundi nasasaktan din nito ang pakiramdam ng kaligtasan at tiwala sa mga paaralan.
Nanawagan ang Arsobispo ng Maynila sa publiko na tumulong sa pagbuo ng mga lugar para sa kabataan kung saan maaari silang maging bukas at totoo, lalo na tungkol sa mga pinagdaraanan na karaniwan nilang inililihim.
Hinikayat din ni Cardinal Advincula ang mga tao na lumapit sa panalangin, at idinagdag na ang panalangin ay dapat ding magbunga ng nagkakaisang aksyon para palakasin ang kultura ng malasakit, habag, diyalogo, at paggabay.
Bilang pakikiisa, inialay niya ang kanyang mga panalangin para sa paggaling at kaaliwan ng komunidad ng Ateneo de Zamboanga. KRIS JOSE