MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate President Win Gatchalian ng mas matibay na pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang mapaunlad ang mga produktong Pilipino na pasok sa international standards at makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
Sa ginanap na Philippine Products Week, sinabi ni Gatchalian na kailangan nang tutukan ang produktong Pilipino upang sumigla ang paglago ng ekonomiya na bumagal sanhi ng ilang salik.
Aniya kabilang sa nagiging hadlang sa paglago ng ekonomiya ang pandaigdigang kawalan ng katiyakan sa pananalapi.
“Dapat mas agresibong paigtingin ng gobyerno at pribadong sektor ang paglikha ng mga produktong pasado sa international standards upang makalikha ng mas maraming trabaho at kumita ng mas maraming dolyar ang bansa.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang Republic Act 11960 o ang One Town, One Product (OTOP) Philippines Act, kung saan isa siya sa mga may-akda, ay dapat na komprehensibong ipatupad upang makapagbigay ng makabuluhang tulong sa mga micro, small, at medium-sized enterprise (MSME) sa pagpapaunlad ng mga lokal na produkto.
Sinabi ng Senate President na mahalagang bigyan ng mas malaking suporta at kakayahan ang mga MSME para makagawa ng world-class na mga produkto. Makakatulong ito para mapalakas ang ekonomiya at makalikha ng mas maraming pangmatagalang trabaho, lalo na sa gitna ng pabago-bagong sitwasyon sa buong mundo.
“Ang pagpapalakas ng pagbuo ng mga produktong sariling atin para sa pandaigdigang merkado ay mahalaga para maprotektahan ang ating ekonomiya. Kapag nagawa nating globally competitive ang mga lokal na produktong gawa ng ating mga komunidad, hindi lang tayo nagbebenta ng mga produkto. Lumilikha rin tayo ng pangmatagalang trabaho para sa ating mga kababayan,” ani Gatchalian. Ernie Reyes