Home NATIONWIDE Acosta, tila ‘sinaulo’ mga sagot sa paglilitis – Prosecution 

Acosta, tila ‘sinaulo’ mga sagot sa paglilitis – Prosecution 

1
0

MANILA, Philippines – Tila saulado ni dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta  ang kanyang mga isinasagot sa pagpapatuloy ang kanyang testimonya sa Senate Impeachment Court, ayon sa House Prosecution team.

Napansin ng mga mambabatas ang mga paulit-ulit na tugon ni Acosta sa Senado na malaki ang ipinagkaiba sa paraan ng kanyang pagsagot noong nakaraang mga pagdinig sa Kamara.

Ibinunyag nina House prosecutor at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores at ni prosecution spokesperson at adviser Ace Barbers na tila memorize ni Acosta ang kanyang depensa.

“Hindi ko naman siya sasabihing na-coach. Pero if you can observe, paulit-ulit iyong isang phrase lang na answer niya na parang na-memorize na answer,” ani Flores.

Paliwanag ni Flores, ibinatay niya ang kanyang pagtataya sa personal na pag-obserba kay Acosta noong mga pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong 2024 kung saan tinalakay ang paghawak sa mga pondo ng OVP.

“Iba iyong pagsagot niya noon. Very much responsive siya,” aniya. Sa impeachment trial, paulit-ulit na sinabi ni Acosta na umasa lamang siya kay Col. Raymund Dante Lachica dahil sa eksperto ito sa seguridad, nagpatupad ng mga operasyon sa field, at nagbigay sa kanya ng mga rekord ng paggamit ng pondo.

Ayon kay Flores, lumalabas ang parehong sagot kahit pa ang itinatapon ng mga taga-usisa ay tungkol sa iba’t ibang yugto ng pagpaplano, disbursement, pag-verify, o liquidation.

“Hindi isang sentence lang ang sagot niya na paulit-ulit. Mas sinasagot niya iyong mga tanong dati. Ngayon, unfortunately, everyone can observe naman, she gives the same answer for every question,” dagdag pa ni Flores.

Sumang-ayon din si Barbers sa obserbasyon ng private prosecutor na si Atty. Amando Virgil Ligutan sa loob ng paglilitis na tila iniiwasan ni Acosta ang mga direktang tanong.

“Hindi naman siguro totally coached. But sa tingin ko, tama iyong observation ni Atty. Ligutan na evasive,” ani Barbers.

Aniya, bagamat walang direktang patunay sa paghahanda kay Acosta, maaaring epektibong estratehiya ito upang hindi magkamali: “Less talk, less mistake siguro.”

Sa huli, nilinaw ni Flores na tila nais lamang ni Acosta na maging ligtas sa kanyang testimonya upang maiwasan ba mapadpad sa iba pang mga isyu. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here