MANILA, Philippines — Papatawan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng hanggang P50,000 multa ang contractor ng EDSA Rehabilitation Phase 2 dahil sa kabiguang magtalaga ng mga flagman habang isinasagawa ang road works.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, nagdulot ang kakulangan ng traffic personnel ng matinding pagsisikip mula Guadalupe sa Makati hanggang Shaw Boulevard sa Mandaluyong noong Linggo hanggang madaling araw ng Lunes.
“Sobrang haba kasi parang one lane na lang ang nadaanan,” sinabi ni Artes sa isang panayam.
Nasa permit ng contractor ang obligasyong magtalaga ng mga flagman upang gabayan ang mga sasakyan, lalo na kapag may isinasarang lane at kailangang magsanib ang daloy ng trapiko.
Sinabi ni Artes na minonitor ng MMDA ang sitwasyon hanggang alas-3 ng madaling araw at agad na nakipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways at project engineer.
Nakapagpadala rin ng flagman sa lugar ngunit mahaba na ang pila ng mga sasakyan bago ito dumating.
“Kailangan namin siyang i-penalize para hindi umulit,” ani Artes.
Maaari umanong umabot sa P50,000 ang multang ipapataw sa contractor. Wala pang inilalabas na pinal na halaga o notice of violation ang MMDA sa ibinigay na impormasyon. Dave Medina