MANILA, Philippines — Sinisiyasat ng Office of the Ombudsman ang mga flood control project at pondong napunta sa Davao City bago ang Marcos administration, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Sa budget briefing ng Ombudsman sa House Committee on Appropriations nitong Martes, Agosto 25, sinabi ni Remulla na hindi lamang sa kasalukuyang administrasyon umiikot ang kanilang pagtingin sa mga umano’y anomalya sa flood control projects.
“Ang epicenter po ng flood control, bago dumating ang Marcos administration, ay Davao City,” ani Remulla matapos tanungin ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio kung iniimbestigahan din ng Ombudsman ang mga proyekto noong nakaraang administrasyon.
Ayon kay Remulla, nahihirapan silang makakuha ng impormasyon dahil umano sa isang “ecosystem of corruption” na kanilang sinusuri.
“Davao po ’yung ecosystem na aming tinutukoy. Maraming pondo na pumasok daw [sa] flood control. ’Yan po ’yung aming kinakalap nang husto,” aniya.
Nilinaw din ni Remulla na hindi pa sila agad gumagawa ng konklusyon at kailangan munang tingnan ang ebidensya. Bukod sa Davao, may iba pang lalawigan aniyang sinusuri upang matukoy kung may pattern sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Plano rin ng Ombudsman na bumuo ng komite na tututok sa pagmomonitor kung paano ginagamit ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang budget at magsisilbing daluyan ng mga reklamo hinggil sa posibleng pang-aabuso sa pondo ng bayan.
Kinuwestiyon naman ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ang pahayag ni Remulla at hiniling na tingnan muna ang kumpletong records ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Kung Davao ang tinutukoy ninyong ‘epicenter,’ then show us the complete records. Lahat ng taon. Lahat ng proyekto. Lahat ng pangalan. Walang pili. Walang exempted,” pahayag ni Duterte.
Iginiit din ng mambabatas na hindi dapat ituon lamang sa panahon ng kanyang termino ang anumang imbestigasyon, dahil 2019 lamang siya naging kinatawan ng distrito.
Hinimok niya ang Ombudsman na iwasang gumawa ng padalos-dalos na pahayag habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
“The Ombudsman should be searching for the truth—not convenient villains,” ani Duterte. Santi Celario