MANILA, Philippines — Suspendido ang face-to-face classes sa ilang lugar sa Luzon ngayong Miyerkules, Agosto 26, dahil sa patuloy na masamang panahon at pagbaha.
Sa Benguet, suspendido ang klase sa daycare at kindergarten sa Bakun, habang daycare at preschool naman sa Atok, kapwa sa pampubliko at pribadong paaralan. Sa Kibungan, ang preschool hanggang senior high school sa public at private schools ay lilipat sa Alternative Delivery Mode (ADM).
Sa Bulacan, lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Calumpit ay lilipat sa alternative delivery modes. Suspendido naman ang klase sa lahat ng antas sa Hagonoy.
Sa Pampanga, walang face-to-face classes sa Fausto Gonzales Sioco Memorial School, Macario Arnedo Elementary School, Paligui Elementary School, Sampaga Elementary School, Sampaloc Elementary School, Sampaga National High School, ACTEC, Vision Academy at La Verdad Christian School sa Apalit.
Lilipat naman sa Alternative Learning Modalities ang lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Macabebe.
Sa Pangasinan, suspendido ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Infanta. Sa Binmaley, lahat ng antas ay lilipat sa Alternative Learning Modalities.
Patuloy na pinapayuhan ang mga mag-aaral at magulang na bantayan ang mga abiso ng kani-kanilang lokal na pamahalaan at paaralan dahil maaaring madagdagan o mabago ang listahan ng mga suspensyon.
Ayon sa PAGASA, inaasahan pa rin mula Agosto 26 hanggang 28 ang mga pag-ulan dulot ng habagat sa ilang bahagi ng Luzon, habang posible ang scattered rains at thunderstorms sa iba pang bahagi ng isla. RNT