MANILA, Philippines — Aabot sa 67,504 estudyante ang target suportahan ng scholarship programs ng Department of Science and Technology (DOST) sa 2027 sa ilalim ng panukalang P8.67 bilyong pondo sa proposed national budget.
Mas mataas ito ng 2,407 scholars o 3.70% kumpara sa 65,097 beneficiaries na pinondohan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa kabuuang panukalang pondo, P7.55 bilyon ang nakalaan para sa DOST-Science Education Institute (SEI), na nangangasiwa sa undergraduate at graduate scholarships at specialized training programs.
Samantala, P1.12 bilyon ang inilaan para sa Philippine Science High School System (PSHSS), na nagbibigay ng specialized secondary education sa science, technology, engineering at mathematics o STEM.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon, layunin ng mas mataas na pondo na palawakin ang oportunidad ng mga kabataang Pilipino na makapag-aral sa STEM fields at makapag-ambag kalaunan sa agriculture, health, disaster resilience, digital transformation at iba pang sektor.
Noong 2026, nasa P8.3 bilyon ang pondong inilaan para sa DOST-SEI at PSHS scholarship programs na sumuporta sa 65,097 scholars.
Nasa Kongreso na ang 2027 National Expenditure Program, na magsisilbing batayan sa pagbuo ng General Appropriations Bill. Dahil panukalang budget pa lamang ito, maaari pang magbago ang scholarship allocation habang dinidinig ang pambansang budget. Dave Medina