Home NATIONWIDE Mga senador, kinastigo socmed platforms sa pagpabor sa viral bago seguridad

Mga senador, kinastigo socmed platforms sa pagpabor sa viral bago seguridad

1
0

MANILA, Philippines — Kinastigo ng ilang senador ang mga social media platform dahil umano sa kakulangan ng aksyon laban sa pagkalat ng marahas at graphic content kasunod ng mga pamamaril sa mga paaralan sa Zamboanga at Tacloban.

Sa privilege speech sa Senado nitong Martes, Agosto 25, sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na bagama’t may sariling community standards ang Meta, YouTube, TikTok at iba pang platform, patuloy pa ring kumakalat online ang sensitibong larawan at video kaugnay ng mga insidente.

“Ang krimen po ay hindi pang-entertainment. Ang paghihirap ng biktima ay hindi po content,” giit ni Tulfo.

Binigyang-diin niyang hindi dapat agad husgahan ang sinumang hindi pa nahahatulan ng korte, ngunit hindi rin aniya dapat gawing viral content ng social media companies ang mga trahedya.

“A policy written on a website means very little if your algorithms and moderators allow prohibited content to be uploaded online and remain there for millions of people—including children—to see it,” aniya.

Nanawagan naman si Sen. Risa Hontiveros na magkaroon ng legal o juridical entity at tanggapan sa Pilipinas ang mga social media company upang mas madaling makipag-ugnayan sa mga ito ang law enforcement agencies at investigators kapag may kailangang aksyunan.

Binatikos din ni Hontiveros ang sistemang nakasandal sa virality upang kumita ang mga platform, lalo na kung nakatutulong ito sa mas malawak na pagkalat ng mapaminsalang content.

Sumang-ayon naman si Sen. Raffy Tulfo na malaki ang papel ng algorithms sa mga content na napapanood ng mga kabataan.

Aniya, sa isang click lamang ay maaaring malantad ang mga bata sa karahasan, grooming, extremism at iba pang mapanganib na content.

Kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa paaralan, nanawagan din ang ilang child welfare at mental health groups sa publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng sensitibong larawan, video at impormasyon, partikular kung sangkot ang mga menor de edad. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here