MANILA, Philippines — Iminungkahi ni Sen. Erwin Tulfo na pag-aralan ang pagpapataw ng mabibigat na multa o iba pang parusa sa social media platforms na paulit-ulit na nabibigong pigilan ang pagkalat ng marahas at graphic content, lalo na kung sangkot ang mga bata.
Sa kanyang privilege speech nitong Martes, Agosto 25, kinuwestiyon ni Tulfo kung sapat na naipatutupad ng malalaking social media companies ang sarili nilang community standards matapos kumalat online ang sensitibong content kaugnay ng mga pamamaril sa mga paaralan sa Zamboanga City at Tacloban City.
“Ang krimen po ay hindi pang-entertainment. Ang paghihirap ng biktima ay hindi po content. At ang mukha ng isang batang biktima man o suspek ay hindi dapat maging viral material,” ani Tulfo.
Binigyang-diin ng senador na hindi layunin ng panukala na limitahan ang lehitimong journalism, public-interest reporting o lawful expression. Sa halip, nais niyang obligahin ang mga platform na mas mahigpit na ipatupad ang kanilang sariling patakaran at protektahan ang privacy, dignidad at kaligtasan ng mga menor de edad.
“Kailangan nating pag-aralan ang isang batas na magpapataw ng mabibigat na multa o parusa sa mga social media platforms” na paulit-ulit na nagpapahintulot sa ipinagbabawal na content, ayon kay Tulfo.
Sinuportahan nina Senate President Win Gatchalian at Sens. Vicente Sotto III, Joel Villanueva, Risa Hontiveros at Raffy Tulfo ang panawagan para sa mas mahigpit na online safeguards.
Iminungkahi naman ni Hontiveros na magkaroon ng juridical entity at kinatawan sa Pilipinas ang mga social media company upang mas madaling makipag-ugnayan sa mga ito ang law enforcement agencies at mapanagot kung kinakailangan.
Sa pagtatapos ng talakayan, ipina-refer sa Senate committee on public information ang privilege speech ni Tulfo at mga pahayag ng iba pang senador.
Kasabay nito, sinabi rin ng Malacañang na bukas itong pag-aralan ang mas malawak na paghihigpit sa digital platforms kung mapatutunayang nagdudulot ang mga ito ng seryosong panganib sa publiko, ngunit kailangan muna aniyang suriin ang epekto at pananagutan ng mga kumpanya.
Sa ngayon, panukalang pag-aralan pa lamang ang pagpapataw ng naturang mabibigat na multa at wala pang bagong batas na nagtatakda ng mga parusang binanggit ni Tulfo. RNT