MANILA, Philippines – Iginagalang at susundin ng House prosecution team ang mahigpit na pagpapatupad ng impeachment court sa Rule 18 hinggil sa sub judice rule o hindi pagtalakay ng merito ng paglilitis gayunpaman umaasa ito na pantay na iiral sa lahat ang kautusan ng impeachment court kabilang na si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House impeachment team adviser at spokesperson Robert Ace Barbers na inaasahan ng prosekusyon na ang parehong pamantayan ay iiral sa bawat indibidwal na kasama sa impeachment trial, ang prosekusyon, depensa, senator judges, mga abogado, testigo at maging ang nasasakdal.
Gayundin ang posisyon ni Depeuty Speaker Jay Khonghun, aniya, patas na pagtrato ang nais ng prosekusyon.
“Ang hinahanap lang naman ng prosecution team is fairness. Pag sinisita ’yung prosecution sa kanilang mga sinasabi, kailangan maging fair din na kailangang sitahin din ’yung mga nasasabi ng depensa. At siyempre, kailangan sitahin din kung ano ’yung sinasabi ng nasasakdal, dito in the case is Vice President,” paliwanag ni Khonghun.
Sa 19th araw ng paglilitis ay iniutos ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang mahigpit na pagpapatupad ng Rule 18 mula sa mga susunod na araw, ngunit binigyan ng malinis na rekord ang mga sakop nito para sa kanilang mga naunang nang pahayag.
Nag-ugat ang nasabing desisyon sa manifestation ng lead defense counsel na si Shiela Sison ukol sa Facebook post ng prosecution counsel na si Amando Virgil Ligutan matapos ang pagtatalo sa korte noong Agosto 12 tungkol sa mga leading at misleading na tanong.
Napagpasyahan ng imepachment court na huwag nang parusahan ang mga naunang pahayag kung saan sinabi ni Escudero na ito ay “mag-aalis ng nakaraan o maglilinis ng talaan,” subalit nagbabala na ang Rule 18 ay mahigpit nang ipatutupad mula ngayon at bibigyan ng “full force and effect.”
Nagtakda rin si Escudero ng two-strike rule sa mga paglabag, na magsisimula sa pamamagitan ng nakasulat na show-cause order na nagbibigay sa sinumang lumabag ng 24 oras upang magsumite ng beripikadong sagot.
Ang unang paglabag ay may katumbas na matinding reprimand at stern admonition sa buong sesyon ng korte.
Ang pangalawang paglabag naman ay may kaakibat na maximum na P30,000 multa sa bawat paglabag, habang ang lumabag na abogado o partido ay maaari ring humarap sa mga restriksyon sa pagsasalita, pagtutol, o pagtatanong sa mga testigo sa sesyon.
Para sa mga abogado, maaari ring ipadala ng hukuman ang rekord ng insidente sa Office of the Bar Confidant, Integrated Bar of the Philippines, o Korte Suprema para sa posibleng hakbang pandisiplina.
Ayon kay Barbers, gagamitin ng prosekusyon ang kanilang itinalagang mga tagapagsalita na hindi sakop ng sub judice upang patuloy na maipaliwanag sa publiko ang mga kaganapan sa imeapchment proceedings.
“Isa sa mga obligasyon ng ating prosecution panel, via the designated spokespersons, ay maisalaysay sa ating mga kababayan sa pinakamabilis at pinakamadaling paraan na maiintindihan kung ano ba ’yung nangyayari,”ani Barbers.
Binigyang-diin naman ni Khonghun na ang hakbang na ito ay makatutulong upang mabigyan ang publiko ng tamang mga impormasyon sa harap ng laganap na pagkalat ng fake news.
“Kaya nga nagtalaga tayo ng mga spokesperson, talking heads ng prosecution, para at least maipaliwanag mabuti ’yung flow ng kaso,” ani Khonghun.
Sinabi pa ni Barbers na pinag-aaralan din ng prosekusyon ang pagtatalaga ng isa pang legal spokesperson habang sinusuri nila ang mga implikasyon ng nasabing utos. Gail Mendoza