MANILA, Philippines – PINAGANA ng gobyerno ang network ng mga ospital at ginawang ktibo ang coordinated referral system para mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga pasyente na mayroong leptospirosis mula sa nag-uumpaw na bilang sa mga health facilities.
Ang pahayag na ito ng Malakanyang ay tugon sa napaulat na matinding presyur sa kanilang emergency rooms kasunod ng malawakang pagbaha. Sinasabing dumagsa ang mga pasyente sa San Lazaro Hospital at Ospital ng Maynila sabay anunsyo na umabot na sa ‘full capacity’ ang emergency room.
Habang iniulat naman ng National Kidney Transplant Institute na umabot na ito sa full bed capacity sanhi ng pagsirit ng leptospirosis cases.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na makipag-ugnayan ang mga ospital at i-redistribute ang mga pasyente sa halip na payagan ang overcrowding sa individual facilities dahilan ng pagkaantala ng paggagamot.
“Totoo po iyan, at iyan din po ang nais ng Pangulo kaya po tumugon agad ang DOH,” ayon kay Castro.
Tinukoy ang Department of Health (DOH), sinabi ni Castro na may 33 DOH hospitals sa Metro Manila, Regions 1 (Ilocos Region), 2 (Cagayan Valley), 3 (Central Luzon) at Cordillera Administrative Region ang pinagana ang leptospirosis express lanes para sa mga pasyente na nangangailangan ng agarang assessment at posibleng hospitalization.
Ginagamit din ng gobyerno ang surge capacity management upang matiyak ang availability ng hospital beds at mga gamot para sa mga pasyente na kinakailangang i-admit.
“Acting Health Secretary Edwin Mercado has also convened a command conference involving DOH hospitals to strengthen coordination on patient navigation and referrals,” ayon kay Castro.
Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang DOH Operations Center sa San Lazaro Hospital para i-refer ang mga pasyente sa ibang ospital sa Metro Manila.
Winika ni Castro na “all DOH hospitals, health centers and PhilHealth YAKAP clinics are also ready to receive patients seeking consultation after exposure to floodwaters.”
Aniya pa, ang karagdagang updates ay ipalalabas sa karagdagang ospital na gagamitin habang patuloy na naka-monitor ang gobyerno sa pagsirit ng leptospirosis. KRIS JOSE