MANILA, Philippines – MALUGOD na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang pag-aaral na nagsasabing patuloy na lumalakas ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa larangan ng ekonomiya at estratehiya sa buong mundo.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nananatiling nakatuon ang Pangulo sa pagpapalakas ng regional integration at resilience habang patuloy na lumalawak ang impluwensya ng ASEAN. Ngayong taon, ang Pilipinas ang nagsisilbing ASEAN Chair sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos.
Tinanong si Castro tungkol sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), pangunahing socioeconomic policy think tank ng pamahalaan, na nagsabing lumalakas ang economic at strategic weight ng ASEAN na maaaring magpatibay sa posisyon nito bilang pandaigdigang kapangyarihan.
Ayon naman sa PIDS, dapat gamitin ng Pilipinas ang pagkakataon bilang ASEAN Chair upang isulong ang mga hakbang na magpapalakas sa regional integration.
“Magandang balita iyan. Tinatanggap ng Pangulo ang pagkilalang ito at mga natuklasan ng PIDS. At layunin ng ASEAN na hindi lamang mapanatili ang mga nakamit nito kundi lalo pang pabilisin ang paglago ng ekonomiya,” ani Castro.
Binigyang-diin ni Castro na patuloy na isusulong ng Pilipinas ang pagkakaisa at katatagan ng rehiyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos.
“Kaya bilang ASEAN Chair, patuloy na magsisikap ang Pilipinas na palakasin ang regional integration at katatagan, habang tinitiyak na mananatiling nagkakaisa at mahalagang bahagi ang ASEAN ng kapayapaan, katatagan at paglago ng ekonomiya sa rehiyon,” diin ni Castro.
Binigyang-diin din ni Castro ang kahalagahan ng pagkakaisa ng ASEAN sa pagsusulong ng kapayapaan, katatagan at paglago ng ekonomiya sa rehiyon.
Tungkol naman sa paghahanda para sa ASEAN Summit sa Nobyembre at pagdalo ng mga head of state, sinabi ni Castro na nagpapatuloy ang mga intergovernmental meeting at magbibigay ang pamahalaan ng karagdagang impormasyon at mga update sa publiko.
Gaganapin ang 49th ASEAN Summit and Related Meetings sa Metro Manila mula Nobyembre 13 hanggang 15, 2026, sa ilalim ng temang “Navigating Our Future, Together.” KRIS JOSE