MANILA, Philippines – INAASAHANG tataas ang pondong matatanggap ng mga local government unit (LGU) sa susunod na taon dahil sa panukalang dagdag na pondo para sa Local Government Support Fund (LGSF) upang pondohan ang mga programa at proyekto para sa kanilang mga komunidad.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang panukalang pondo para sa LGSF sa 2027 ay PhP58.532578 bilyon, o 1.14 porsiyentong mas mataas kumpara sa PhP 57.872578 bilyon ngayong 2026.
Ayon kay Castro, layunin ng dagdag na pondo na matulungan ang mga LGU sa kanilang pangangailangan sa imprastraktura at social development.
“Ito po ay para mas lumaki at lumago ang pagbibigay ng pondo sa mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang kanilang mga issues patungkol sa imprastruktura at ang social development,” ayon kay Castro.
Sinabi rin ni Castro na kabilang sa mga proyektong maaaring pondohan ng LGSF ang mga farm-to-market road, water system, health facility, tulay, pasilidad na makakatulong sa mga komunidad kapag may sakuna, at tulong para sa mga marginalized group.
Sa pamamagitan ng LGSF, opisyal na inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong February 23, 2026 ang programang “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang” na layong palakasin ang mga LGU sa pamamagitan ng mas malaki at mas direktang tulong pinansyal, partikular ang PhP57.872-billion LGSF para sa 2026.
Layunin din nitong mas direktang makarating sa mga komunidad ang pondo at serbisyo ng national government.
Binigyang-diin ni Castro na hindi nagtatapos ang responsibilidad ng national government kapag naibigay na ang pondo sa mga LGU.
“So, kahit ito ay ibinigay na pondo, hindi natatapos ang obligasyon ng national government pagkabigay ng pondo; ito po ay kailangang ma-monitor din po,” ani Castro.
Sinabi pa ni Castro na babantayan ng gobyerno kung ginagamit nang tama ang mga pondo at hindi ito inaabuso.
Patuloy ding magbabantay ang mga national agency sa mga serbisyong nailipat na sa LGU. Kabilang dito ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga infrastructure project, at Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga programang may kaugnayan sa scholarship.
“Of course, kapag sinabi nating infrastructure, nandiyan din ang pag-monitor ng DPWH; patungkol naman sa pagbibigay ng scholarship ay nandiyan din ang DepEd, CHEd at ng TESDA,” dagdag pa ni Castro. KRIS JOSE