MANILA, Philippines — Itinuturing lamang na huling opsyon ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pag-block sa Facebook at iba pang online platforms sa Pilipinas habang naghahanap ang gobyerno ng ibang paraan upang mapalakas ang online safety.
“Let’s be clear, ‘yung geoblocking ng platforms is only the last option for us,” sinabi ni CICC Executive Director Renato “Aboy” Paraiso sa isang panayam nitong Miyerkules, Agosto 26.
Ayon kay Paraiso, uunahin ng pamahalaan ang pakikipagdayalogo sa Meta, parent company ng Facebook, at online gaming platform na Roblox hinggil sa mga hakbang na maaari nilang gawin laban sa harmful content at karahasang maaaring makaapekto sa mga gumagamit, partikular sa mga kabataan.
Nais din umano ng gobyerno na malaman kung bakit hindi maipatupad sa Pilipinas ang ilang online safety measures na ginagamit ng naturang mga kumpanya sa ibang bansa.
“Ito ‘yung commitment natin, uunahin natin na magkaroon ng ibang hakbang bago ikonsidera ang pag-block sa mga platforms na ito,” ani Paraiso.
Nakatakda ring makipagpulong ang mga opisyal ng pamahalaan sa regional executives ng Meta at Roblox sa Singapore upang talakayin ang online child safety at iba pang safeguards sa kanilang mga platform.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-aaral ng mas mahigpit na restrictions sa mga digital platform kung mapatutunayang nakapipinsala ang mga ito sa publiko, partikular sa mga kabataan.
Gayunman, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na kailangan munang pag-aralan nang mabuti ang epekto ng naturang hakbang at kung sapat ang tugon at accountability ng mga social media platform.
Muling umigting ang usapin sa online safety kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan at mga alegasyon hinggil sa exposure ng ilang kabataan sa violent online content. Dave Medina