MANILA, Philippines — Maaaring pagmultahin ng hanggang P30,000 kada paglabag ang mga partido at iba pang sakop ng impeachment rules sa ikalawang paglabag sa pagbabawal sa pampublikong pagtalakay sa merito ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang itinakda ng Senate impeachment court nitong Miyerkules, Agosto 26, sa ilalim ng “two-strike rule” para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng Rule 18.
Sa unang paglabag, maaaring patawan ang violator ng severe public reprimand at stern admonition na permanenteng ilalagay sa rekord ng impeachment court.
Sa ikalawa at mga susunod pang paglabag, maaaring ipataw ang maximum na P30,000 multa kada offense. Maaari ring limitahan, kung kinakailangan, ang isang lumabag na abogado o partido sa pagsasalita, pag-object o pagtatanong sa mga testigo sa impeachment court.
Sakop ng Rule 18 ang presiding officer, senator-judges, prosecutors, ang impeached official, kanilang mga abogado at mga testigo.
Ipinagbabawal sa kanila ang pampublikong pagkomento sa mga usaping tumatalakay sa merito ng nakabinbing impeachment trial, kabilang ang paghusga sa credibility ng mga testigo, bigat o sapat na ebidensiya, at posibilidad ng magiging desisyon sa kaso.
Hindi naman sakop ng parehong restriksyon ang procedural, incidental at collateral matters, gayundin ang patas at tumpak na pag-uulat sa mga nangyari sa loob ng impeachment court.
Bago patawan ng parusa, bibigyan muna ang sinasabing lumabag ng written show-cause order at 24 oras upang magsumite ng verified response.
Sinabi ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na hindi na paparusahan sa ilalim ng bagong guidelines ang mga naunang posibleng paglabag at “wipe the slate clean” muna ang korte.
Gayunman, mahigpit nang ipatutupad ang Rule 18 sa mga susunod na pahayag at kilos ng mga sakop nito.
Para naman sa mga abogado, maaari ring i-refer ang record ng paglabag sa Office of the Bar Confidant, Integrated Bar of the Philippines o Supreme Court para sa posibleng disciplinary action. RNT