MANILA, Philippines — Umabot na sa 10 umano’y “ghost” flood control projects ang paunang natukoy ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan at Davao Occidental habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng proyekto sa bansa.
Inihayag ito ni DPWH Secretary Vince Dizon sa budget hearing ng House Committee on Appropriations nitong Miyerkules, Agosto 26.
Ayon kay Dizon, Bulacan at Davao Occidental pa lamang ang dalawang lugar kung saan natukoy ang naturang mga proyekto sa nagpapatuloy na pagsusuri.
Nilinaw naman ng kalihim na hindi lamang mga proyektong sinasabing hindi umiiral ang dapat imbestigahan kundi maging ang mga substandard na imprastraktura na aktuwal na naitayo ngunit hindi nakatugon sa kinakailangang pamantayan.
Sinita rin ni Dizon ang pagbabayad sa mga contractor nang higit sa aktuwal na progreso ng proyekto.
“Hindi na po pwedeng magbabayad tayo sa contractor na… kung ang physical accomplishment 20 percent, tapos ang bayad sa contractor ay 80 percent,” ani Dizon sa pagdinig.
Kasabay nito, hinihigpitan na ng DPWH ang project planning at validation process upang matiyak na handa at may sapat na dokumentasyon ang mga proyekto bago simulan ang implementasyon.
Kinumpirma ng House of Representatives na kabilang sa mga bagong requirement ng DPWH ang approved program of work, validated geotagged photos, master plan o feasibility study at certificate of implementability bago makalusot ang proyekto sa mas mahigpit na evaluation system.
Patuloy naman ang assessment sa mga umano’y ghost at substandard projects katuwang ang National Bureau of Investigation, Criminal Investigation and Detection Group, Commission on Audit at Department of Justice.
Inaasahang magsusumite ang DPWH ng mas komprehensibong ulat sa House committee kapag nakumpleto ang nagpapatuloy na pagsusuri. RNT