“NORMAL” sa ano mang organisasyon at kahit mga ahensya ng gobyerno na magkaroon ng “rigodon” para mabigyan ng pagkakataon ang bagong lider na mailagay sa pwesto ang mga taong sa tingin niya ay karapat-dapat at mayroon siyang tiwala na ipatutupad ang kanyang mga direktiba.
Ang kaibahan nga lang sa gobyerno, sadyang maraming “maepal” at “mas marunong” pa sa “Boss” dahil ang ipinagmamalaki ay ang hebigat nilang ‘MBA’ – hindi master’s in business administration, bagkus, “may backer ako!”
Ganyan ang dinatnang sitwasyon ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno nang sorpresa siyang italaga ni Pangulong Bongbong Marcos noong Hulyo nakaraang taon.
At alam ni Comm. Ariel na bukod sa kanya, karamihan din ng mga opisyal sa Aduana ay may “kapit” sa mga nasa poder, partikular na sa Palasyo at Kongreso kaya sa kanyang mga galaw, ‘handle with care’ wika nga.
At dahil “pare-pareho” lang silang mga “bata” ng Malakanyang, ito marahil ang dahilan kung bakit ‘yung isang dating mataas na opisyal, aba’y garapal na nakialam sa trabaho ni Nepomuceno upang pagkaperahan ang rigodon ng mga opisyal at empleyado ng Customs.
Malakas ang loob nitong mamang ito na balita natin ay “padrino” nitong si ‘Vicente Talakera’ na gumawa ng katarantaduhan dahil ang palaging ibinibida, “close friend” sila ni First Lady Liza Araneta Marcos!
Eh, mantakin ba naman ninyo na habang gumagawa ng listahan para sa ‘organizational reshuffle’ ang bagong liderato ni Comm. Ariel, may sarili na palang ‘enrollment list’ itong nasabing opisyal at ang enrollment fee ay P200,000 kada “ulo,” wow!
Sa mahigit 20-pahinang listahan na nagawa ng mamang ito, magkano sa tingin ninyo, ang kanyang naging kwarta, aber? At “obligasyon” pa umano ng mga mapupwesto na bigyan siya ng regular na “parating,” talaga rin naman!
Sadyang maginoo itong commissioner natin kaya nang magkabistuhan, hindi na ginawang iskandalo at pinag-submit na lang ng resignation letter, ang ‘official version’ ng Customs kung bakit wala na siyang trabaho.
At si FLAM? Sa matinding pagkabwisit sa pagkaladkad sa pangalan niya, ang balita natin nagbilin na huwag bigyan ng pwesto kahit janitor itong “amo” (raw) ngayon nitong si Vicente sa kahit anong ahensya ng gobyerno.
Sabi nga nila? “Karma is a bitch!”






