ANG basketball court ay dapat lugar ng kasiyahan, pagkakaisa at palakasan. Ngunit sa naganap kamakailan sa San Jose del Monte, Bulacan, tila naging entablado ito ng isang mas malalim na usapin tungkol sa hinaing ng mga mamamayan sa suplay ng tubig.
Sa isang basketball game sa Minuyan Sports Complex noong Agosto 23, napaulat ang komprontasyon sa pagitan nina Mayor Florida “Rida” Robes at City Councilor Ronalyn Pordan matapos umalingawngaw ang sigaw na “Tubig! Tubig!” mula sa ilang dumalo. Hinarap ng alkalde ang mga manonood at ipinahayag ang kanyang pagkadismaya, habang binigyang-diin niya ang respeto sa punong-lungsod at ang mga nagawa ng lokal na pamahalaan.
Maiintindihan naman kung masasaktan ang isang opisyal kapag dama niya na siya ay hinuhusgahan o tinutuligsa. Tao rin ang isang mayor. May emosyon, stress at limitasyon. Ngunit may malaking pagkakaiba ang reaksyon ng isang ordinaryong mamamayan at ng isang halal na opisyal.
Kapag ikaw ay mayor, bawat salita at kilos mo ay may bigat. Ang tangan mong mikropono ay hindi lamang isang simpleng instrumento para ikaw ay mapakinggan. Simbolo rin ito ng awtoridad at kapangyarihang ipinagkatiwala sa iyo ng publiko.
Hindi rin dapat basta balewalain ang sigaw na “Tubig.” Maaaring hindi basketball court ang tamang lugar o paraan para ipahayag ang anomang reklamo, gaya ng sinabi ng ilang opisyal ng lungsod. Ngunit ang sigaw ay maaaring sintomas ng isang mamamayan na humihingi ng tulong at naghahayag ng kanyang mabigat na karaingan.
Sa halip na personalin ni mayor ang kritisismo, marahil mas magandang itanong niya sa kanyang sarili, “Ano ang dahilan kung bakit ganito na kalakas ang hinaing ng aking mga nasasakupan?”
Ang respeto ay mahalaga. Ngunit sa isang demokrasya, ang respeto ay hindi dapat hinihingi sa pamamagitan ng posisyon. Ito ay higit na nagiging makabuluhan kapag kusang ibinibigay dahil nakikita ng tao ang serbisyo, malasakit at pananagutan.
Sa basketball, may referee at pito. Sa pamahalaan, ang tunay na referee ay ang mamamayan at ang pito ay pwersa ng malayang pamamahayag.
Kung sumigaw man sila ng “tubig,” baka hindi galit ang kailangan nilang marinig, kundi ang tumpak na sagot kung paano pupunan ang anomang kakulangan.






