SA mga araw na ito, bumabalik ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno ukol sa mga bilyon-bilyong halagang proyektong kontra-baha ng anim na kongresman ng nasabing lungsod.
Agosto 27, 2025 nang ihayag ni Yorme Isko na may kabuuang mahigit P14.3 bilyong ginugol ng anim na kongresman sa lungsod at sabihin na nating para sa kani-kanilang distrito.
Kinuha ni Yorme ang mga datos sa Isumbong mo sa Pangulo na linya ng komunikasyon ng mga mamamayan sa Office of the President ukol sa flood control scam.
Nagsimula ang Isumbong mo sa Pangulo noong Agosto 11, 2025 at makaraan lang ng 17 araw o Agosto 27, hayun at nakaipon na si Yorme ng mga ulat at sa panahong nag-anunsyo siya, sinabi niyang nag-iimbestiga pa rin siya.
Sa kanyang pahayag, bumaha ng pera laban sa baha sa Maynila pero binabaha pa rin ang Maynila.
Lumilitaw ring hindi nakipag-ugnayan ang mga kongresman sa lungsod ng Maynila at basta gumawa na lang sila ng sarili nilang mga proyekto sa lungsod.
Patunay rito ang kawalan ng city permit na hiningi ng kahit sinong kontrakor na nagsagawa ng mga proyekto.
LAHAT NG DISTRITO MERON
Para maging klaro ang kwenta, heto ang kabuuang salaping kontra-baha ng mga kongresman.
Tumataginting na P14,313, 132,309 at may butal pang ilang sentimo.
Para sa District 1, may ibinuhos na P3.4 bilyon; Dis. 2 – P2.59B; Dist. 3 – P4.2B; Dist. 4 – P1.3B; District 5 – P1.5B; at Dist. 6 – P2.60B.
TANONG: KANINONG DISTRITO?
Dalawang kongreso ang pinag-uusapan dito.
‘Yung bang === 19th Congress at 20th Congress.
Sa 19th Congress na nagsimula noong Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2025, maaaring sakop ng datos sa pondo sa baha ni Yorme.
Gayundin ang mula Hulyo 2025 hanggang Agosto 27, 2025.
Ngayon, sino-sino ba ang mga kongresman noong 19th Congress at sino-sino sila ngayong 20th Congress sa lungsod ni Yorme?
Sakop ng First District ang mga Brgy. 1 hanggang 146 sa kanlurang bahagi ng Tondo at North Harbor.
Nasa Second District naman ang silangang bahagi ng Tondo o Gagalangin at mga Barangay 147 hanggang 267.
Third District: Binondo, Quiapo, San Nicolas at Santa Cruz o Brgy. 268 hanggang 394.
Fourth District: Buong Sampaloc na binubuo ng Brgy. 395 hanggang 586).
Fifth District: Ermita, Intramuros, Malate, Port Area, San Andres at south Paco o Brgy. 649 hanggang 828.
Sixth District: Pandacan, San Miguel, Santa Ana, north Paco, at Santa Mesa o Brgy. 587 hanggang 648 at Brgy. 829 hanggang 905.
Sino-sino ba ang mga kongresman sa mga taong 2022 hanggang sa ngayon na nagkaroon ng nasabing mga proyekto?
CURIOUS LANG NAMAN
May maiingay na Manila Congressmen sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ukol sa confidential fund nito.
Pero, anak ng tokwa, ganap nilang kinalimutan ang P1.3 trilyong maanomalya o scam na flood control projects.
Matanong natin ngayon ang mga taga-Maynila: Kasali ba ang maiingay na kongresman sa impeachment trial sa mga pinangalanan ni Yorme na may mga bilyon-bilyong pisong flood control project?
Sino-sino kaya sa mga Manila Congressman ang may mga pinakamalalang kalagayan sa mga pagbaha sa kabila ng bilyones nilang pondo laban sa baha?






