MANILA, Philippines — Lima hanggang walong tropical cyclone ang posibleng mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mula Setyembre 2026 hanggang Pebrero 2027, ayon sa PAGASA.
Sa outlook ng state weather bureau, dalawa hanggang tatlong tropical cyclone ang maaaring maitala ngayong Setyembre, habang isa hanggang dalawa naman kada buwan mula Oktubre hanggang Disyembre.
Posible rin ang hanggang isang tropical cyclone sa Enero 2027, habang maliit lamang ang posibilidad na magkaroon ng bagyo sa Pebrero.
Kasabay nito, nagbabala ang PAGASA na mas mataas ang posibilidad na tumama at tumawid sa bansa ang mga tropical cyclone sa huling bahagi ng taon dahil sa karaniwang galaw ng mga bagyo sa panahon ng “ber” months.
Gayunman, maaaring maimpluwensiyahan ng umiiral na El Niño ang karaniwang galaw at pagbuo ng mga bagyo.
Patuloy ding inaasahan ang pagbaba ng dami ng ulan sa maraming bahagi ng bansa sa mga susunod na buwan dahil sa El Niño.
Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas ng below-normal rainfall ang ilang bahagi ng Luzon sa Setyembre, habang inaasahang lalawak ang rainfall deficit sa Luzon, Visayas at ilang bahagi ng Mindanao pagsapit ng Oktubre at Nobyembre.
Bagama’t maaaring magdala ng panandaliang pagtaas ng ulan ang mga daraang tropical cyclone, inaasahang mananatili ang epekto ng El Niño hanggang sa unang kalahati ng 2027.
Pinapayuhan ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng PAGASA dahil maaaring magbago ang aktuwal na bilang, lakas at direksiyon ng mga tropical cyclone. Santi Celario