Home NATIONWIDE DBM kinuwestiyon ni Lacson sa lump sums items

DBM kinuwestiyon ni Lacson sa lump sums items

1
0

MANILA, Philippines – Paano natin matatawag na “execution-ready” ang paghahanda ng pambansang budget kung pinapayagan nito ang mga alokasyon para sa mga “blangkong” item, o iyong halos walang mahahalagang detalye?

Itinanong ito ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes sa Department of Budget and Management bilang tugon sa pahayag ni DBM Secretary Kim Robert de Leon na execution-ready ang 2027 budget.

“Interestingly, sabi ninyo Sec, ang budget preparation is execution-ready. May program of work, etc. Pero may nakita kaming P180M each (region), lump sum ito, intended for all 17 regions, evacuation centers. Wala man lang naka-specify saang lugar sa region… walang specifics. Much as we would like to believe you iba naman ang sinasabi sa National Expenditure Program,” ani Lacson kay de Leon sa Development Budget Coordinating Council briefing.

“And mind you it’s not only for 2027. Nakakita din kami ng P100M each for 2026, ganyan din po. Of course sa DPWH namin tatanungin yan. Pero since this is also part of policy, bakit ninyo pinayagan sa DBCC na magkaroon ng budget na ang item e halos blangko? May amount, walang specs?” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni de Leon na kailangan pa ring magsumite ang mga ahensiya sa DBM ng mga pinal na detalye bago maipatupad ang mga alokasyon, at sinabi niyang kailangan pang tapusin ng Office of Civil Defense ang listahan.

Gayunman, iginiit ni Lacson na dapat ay naisumite na ang mga naturang detalye sa yugto pa lamang ng budget preparation.
Nabanggit din niya na habang tinatantiya ng OCD sa P75 milyon ang halaga ng bawat evacuation center, ang Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF), isa sa mga private sector group na tumulong sa rehabilitasyon matapos ang Yolanda, kasama ang BPI, ay nakapagtayo ng evacuation center sa Ibaan, Batangas sa halagang P12.7 milyon.

Ang PDRF ay kabilang sa mga private sector organization na nakatrabaho ni Lacson noong siya ay Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery, kung saan pinangunahan niya ang koordinasyon ng mga hakbang upang matulungan ang mga naapektuhan ng Super Typhoon Yolanda (Haiyan).

“Ilang evacuation center following this model ang mapapagawa ng P3.06 billion? (Ang) estimate ng OCD, P75 million per evacuation center. Ang layo sa P12.77 million. Even inputting the inflation, sobra pa rin ang P75 million per evacuation center,” ani Lacson. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here