MANILA, Philippines — Hinikayat ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang Kongreso na pag-aralan ang pagsasanib ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor) sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) upang mapahusay umano ang pamamahala sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) at kanilang mga rekord.
Inihayag ni Remulla ang panukala sa pagdinig ng House of Representatives sa 2027 budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Huwebes.
“It is our position that the BJMP should be transferred under the Department of Justice, under the Bureau of Corrections,” ani Remulla.
“I think it would be prudent for Congress to help us combine BuCor and BJMP into one facility since they perform the same jobs; basically they’re just mirroring each other,” dagdag niya.
Sa kasalukuyang sistema, nasa ilalim ng DILG ang BJMP at namamahala sa district, city at municipal jails. Ang BuCor naman ay nasa ilalim ng DOJ at nangangasiwa sa mga national PDL, kabilang ang mga nahatulan ng pagkakakulong nang mahigit tatlong taon.
Iminungkahi rin ni Remulla na pag-aralan ang integrasyon ng municipal at provincial jails upang magkaroon ng mas organisadong corrections system.
Lumutang ang panukala matapos banggitin ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ang problema sa record-keeping na umano’y nagiging dahilan ng pagkaantala sa paglaya ng ilang detainee na maaari nang makalabas.
Ayon kay Remulla, magkahiwalay na case files ang pinangangasiwaan ng BJMP at BuCor kaya maaaring makatulong ang pagsasanib ng dalawang ahensya upang magkaroon ng mas maayos at streamlined na record management.
Gayunman, panukala pa lamang ang pagsasanib ng BJMP at BuCor at mangangailangan ng aksyon ng Kongreso dahil magkahiwalay na batas at mandato ang umiiral para sa dalawang ahensya. Ang mandato ng BuCor ay nakapaloob sa Republic Act No. 10575 o Bureau of Corrections Act of 2013, habang ang BJMP ay itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 6975. Santi Celario