MANILA, Philippines — Walang nakitang ebidensya ang Philippine National Police (PNP) na bullying, sabwatan o school-related conflict ang nagtulak sa estudyanteng sangkot sa madugong pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) noong Agosto 18.
Ito ang ibinahagi ni AdZU president Fr. Ernald Andal, SJ, sa kanyang update sa komunidad matapos makumpleto ng Police Regional Office 9-led Special Investigation Task Group ang imbestigasyon sa insidente.
Ayon sa PNP findings, walang ebidensyang nagsasabing may grupo, organisasyon o ibang indibidwal na nakipagsabwatan sa estudyante sa pagpaplano o pagsasagawa ng pamamaril. Wala rin umanong napatunayang school-related o personal grievance na sapat upang ipaliwanag ang pag-atake.
Nauna ring sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na walang nakitang ebidensyang bullying, problema sa guro o relihiyon ang naging motibo sa insidente.
Gayunman, nakita sa imbestigasyon ang prior preparation at exposure ng estudyante sa violent online material bilang ilan sa mga sirkumstansyang nakapalibot sa insidente. Nilinaw naman ni Remulla na walang nakitang conclusive link sa pagitan ng estudyante at isang partikular na violent online group.
Nagsampa na rin ang PNP ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide and physical injury laban sa ama ng estudyante, na siyang registered owner ng mga baril na ginamit sa insidente, at sa isang school security personnel dahil sa umano’y pagkukulang na natukoy sa imbestigasyon.
Ang pagsasampa ng reklamo ay hindi pa nangangahulugang napatunayang nagkasala ang mga respondent at daraan pa ito sa kaukulang prosesong legal.
Kasunod ng insidente, sinabi ng AdZU na paiigtingin nito ang campus security sa pamamagitan ng mas mahigpit na inspeksyon, gate controls, monitoring at dagdag na security personnel at kagamitan.
Hinimok din ni Andal ang publiko na iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon kaugnay ng insidente, lalo na ng mga haka-haka tungkol sa motibo, dahil maaari itong makadagdag sa dinaranas na trauma ng mga apektadong pamilya at komunidad. Santi Celario