MANILA, Philippines — Umabot na sa 392 ang nasawi habang mahigit 1,400 katao ang nawawala matapos ang mapaminsalang flash floods at debris flow sa Nepal-Tibet border, habang isang Pilipino ang kabilang sa preliminary list ng mga hindi pa matagpuan.
Sa pinakahuling datos, 389 bangkay na ang narekober sa Nepal habang tatlo naman ang kumpirmadong nasawi sa Tibet. Patuloy ang malawakang search and rescue operations sa mga komunidad na natabunan ng putik at debris.
Kabilang sa mga nawawala ang daan-daang dayuhang turista at mga debotong bumiyahe patungong Mount Kailash.
Ayon sa preliminary report ng Nepal Tourism Board, isang Filipino national ang kabilang sa listahan ng mga nawawalang biyahero. Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan nito habang patuloy na bineberipika ng Nepalese authorities ang kalagayan at lokasyon ng mga nawawala.
May 128 Pilipino na nakatala sa Nepal, kabilang ang 18 overseas Filipino workers, ayon sa datos ng Department of Foreign Affairs at Overseas Workers Welfare Administration na inilabas ng Malacañang.
Sinabi ng pamahalaang Pilipinas na nakikipag-ugnayan ito sa Nepalese authorities at Filipino community upang malaman kung may iba pang Pinoy na naapektuhan. Wala pang kumpirmadong Filipino casualty.
Nagsimula ang sakuna noong Agosto 26 nang rumagasa ang napakalaking bugso ng tubig, putik, bato at yelo sa mga pamayanan malapit sa hangganan ng Nepal at Tibet.
Ayon sa US Geological Survey (USGS), malamang na nagsimula ang sakuna sa pagbagsak ng bahagi ng glacier sa Langtang National Park sa Nepal, na nagpasimula ng catastrophic debris flow at pagbaha sa mga ilog pababa ng kabundukan.
Nawasak o natabunan ang mga bahay, tulay, kalsada at iba pang imprastraktura, dahilan upang maging mahirap ang pag-abot ng rescue teams sa ilang lugar.
Nananatili rin ang banta ng panibagong pagbaha dahil sa tubig na naiipon sa likod ng debris na humarang sa isang bahagi ng ilog. Patuloy itong minomonitor ng mga awtoridad habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga nawawala. Dave Medina