MANILA, Philippines — Kritikal ang tatlong magkakapamilya matapos ang pagsabog na sinundan ng sunog sa isang apartment unit sa Barangay Bagbaguin, Valenzuela City nitong Huwebes, Agosto 27.
Kinilala ang mga biktima na sina Rodolfo Garcia, isang senior citizen, at kanyang dalawang anak na sina Roderick at Lodivina Garcia.
Nasa loob umano ng apartment ang tatlo nang mangyari ang malakas na pagsabog. Nagtamo sila ng mga paso at nakalanghap ng usok kaya kinailangang dalhin sa ospital.
Sa lakas ng pagsabog, natumba ang isang motorsiklong nakaparada sa labas at natanggal din ang grills ng katapat na bahay.
Sumiklab naman ang sunog pagkatapos ng pagsabog at tinupok ang apartment unit bago naapula sa pagtutulungan ng Bureau of Fire Protection (BFP), barangay responders at fire volunteers.
Isang sumisingaw na LPG tank ang pangunahing sinisilip na posibleng pinagmulan ng insidente.
Base sa paunang ulat, luma na umano ang tangke at posibleng kumalat ang singaw ng LPG sa loob ng kulob na apartment bago ito nagliyab.
Tiniyak naman ng Valenzuela City government na tutulungan ang pamilya habang nagpapagamot ang tatlong biktima. RNT