Home NATIONWIDE Palasyo pabor sa paghihigpit ng COA rules sa confidential funds

Palasyo pabor sa paghihigpit ng COA rules sa confidential funds

3
0

MANILA, Philippines — Pabor ang Malacañang sa posibleng paghihigpit ng Commission on Audit (COA) sa mga patakaran sa paggamit at pag-liquidate ng confidential at intelligence funds upang maisara ang mga puwang na maaaring magamit sa pag-abuso sa pondo ng bayan.

Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro nitong Huwebes na bagama’t mayroon nang umiiral na safeguards sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01, maaari pang amyendahan ang mga patakaran kung kinakailangan.

“Kung kayo naman po ay susunod sa polisiya at sa rules at wala naman kayong balak na magloko para sa pondo… hindi naman problema yung rules,” ani Castro sa Palace briefing.

“Pero dahil sa mga tao na may mga balak na gamitin ang kanilang katalinuhan, ang kanilang knowledge or skills na mapaikot ang rules, doon nagkakaroon ng problema, kaya kinakailangan pang amyendahan para hindi na makalusot ang mga panloloko,” dagdag niya.

Pinag-aaralan ng COA ang posibleng pagbabago sa guidelines, kabilang ang mga patakaran sa acknowledgment receipts at paggamit ng aliases o code names sa confidential fund transactions.

Sa kasalukuyang Joint Circular No. 2015-01, walang tahasang probisyon na nagpapahintulot o nagbabawal sa paggamit ng aliases sa acknowledgment receipts, ayon sa testimonya ng dating COA Intelligence and Confidential Fund Audit Office auditor na si Roderick Wamil sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Nakasaad naman sa circular na ang paggamit ng confidential at intelligence funds ay nangangailangan ng mahigpit na internal controls at accounting at auditing rules dahil classified ang mga operasyon nito.

Kabilang din sa safeguards ang paglalagay ng documentary evidence of payments sa sealed envelopes at pag-iingat ng classified supporting documents sa vault ng ahensya, na maaaring inspeksyunin ng kaukulang COA audit unit kung kinakailangan.

Iginiit ni Castro na mayroon nang mekanismo upang protektahan ang pagkakakilanlan ng mga confidential informant habang pinananatili ang accountability sa paggamit ng public funds.

Gayunman, sinabi ng Palasyo na hihintayin muna nito ang partikular na amendments na imumungkahi ng COA bago magbigay ng posisyon sa magiging epekto ng mga ito sa confidential at intelligence operations ng pamahalaan.

Naging sentro ng usapin ang confidential funds kasabay ng nagpapatuloy na impeachment trial ni Duterte, kung saan kabilang sa mga pinagdedebatehan ang liquidation documents, acknowledgment receipts at paggamit ng aliases sa confidential fund transactions. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here