MANILA, Philippines — Patuloy na magdadala ng malalakas na pag-ulan ang Southwest Monsoon o Habagat sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas ngayong Biyernes hanggang Linggo, Agosto 28 hanggang 30, ayon sa PAGASA.
Inaasahang kabilang sa makatatanggap ng 100 hanggang 200 millimeters ng ulan ang Benguet, La Union, Zambales at Bataan. Sakop din ang Occidental Mindoro ngayong Biyernes at Sabado.
Dahil dito, nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha, partikular sa urbanized, mabababang lugar at malapit sa mga ilog, gayundin sa landslide sa mga lugar na mataas ang susceptibility.
Samantala, 50 hanggang 100 millimeters ng ulan ang maaaring maranasan sa Ilocos Sur, Pangasinan, Abra, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas at Oriental Mindoro.
Kasama rin sa naturang rainfall range ang Antique ngayong Biyernes, Occidental Mindoro sa Linggo, at Ilocos Norte sa Sabado at Linggo.
Sa 4 a.m. weather forecast ngayong Agosto 28, sinabi ng PAGASA na partikular na makararanas ng monsoon rains ang Zambales at Bataan, habang occasional rains naman sa Metro Manila, Ilocos Region at ilang bahagi ng Central at Southern Luzon.
Binabantayan din ng weather bureau ang low pressure area (LPA) na namataan alas-3 ng madaling araw sa layong 720 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes.
Ayon kay PAGASA weather forecaster Robert Badrina, posibleng maging tropical cyclone ang LPA ngayong weekend ngunit batay sa kasalukuyang forecast ay hindi ito inaasahang magla-landfall sa Pilipinas at posibleng kumilos patungo sa Taiwan.
Kapag naging tropical depression habang nasa Philippine Area of Responsibility, tatawagin itong Pilandok.
Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko at mga local disaster risk reduction and management office na patuloy na bantayan ang weather at rainfall advisories at gumawa ng kinakailangang pag-iingat laban sa posibleng baha at landslide. RNT